Super-duper best friend pa rin niya si Marco… ASHLEY, tahasang inamin nanliligaw sa kanya si RAVE
- Published on March 17, 2026
- by @peoplesbalita
TAHASANG inamin ng Sparkle artist na si Ashley Sarmiento na nanliligaw na sa kanya ang Kapamilya male star na si Rave Victoria!
Naganap ang pag-amin ng dalaga sa isang edisyon ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan nang tanungin ni Tito Boy Abunda si Ashley kung nanliligaw na nga sa kanya si Rave.
“Opo, nag-start na po siya manligaw,” pagbabahagi ni Ashley.
Kuwento pa ni Ashley, dumalaw na si Rave sa kanilang bahay at um-attend pa ng church service kasama ang kanyang pamilya.
“Isang beses pa lang po siya pumunta po sa house pero one time po nag-church po kami tapos in-invite po kami ng ate ko po sa house niya po para mag bonding po,” lahad pa ni Ashley.
Ayon pa rin kay Ashley, super-duper best friend niya si Marco Masa (na kapwa Sparkle actor at “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” housemate niya) na noon ay unang napabalitang ka-tandem ni Ashley.
Walang selosan sa pagitan nina Marco at Rave.
Sinabi rin ni Ashley na mas lumalim pa ang samahan nila ni Rave.
“Madalas na kami magkasama ngayon. Ako po masasabi ko po na kung paano ko po siya nakilala noon ganoon ko po ulit siya nakilala ngayon here in the outside world.”
Ang tandem nina Ashley at Rave, na binansagang “AshRave,” ang isa sa mga pina popular na loveteam na nabuo sa Bahay ni Kuya noong kanilang season.
***
PAGKAKAIBIGANG nauwi sa pagiging magkakatuwang sa negosyo; iyan ang istorya nina Pinky Esturco-Caslib, Alma Belarmino at Amelita “Amy” Revilla ng Sinelas.atbp na gumagawa ng class at napakakagandang high-end slippers o sinelas.
Itinatag nito lamang Agosto ng taong 2025, umaagaw na ng atensyon sa local market ang bawat pares ng kanilang produkto dahil sa makulay, matibay at magagandang disenyo ng kanilang mga sinelas.
And take note, bawat pares ay nag-iisa, walang katulad, walang kaparehong design, one-of-a-kind, in other words.
Kaya naman sulit ang halagang ibabayad sa bawat pares ng Sinelas.atbp.
Ang inspirasyon sa likod ng Sinelas.atbp ay ang kultura at malikhaing kaisipan ng Lake Sebu sa South Cotabato na tahanan ng mga katutubong T’boli na kilala sa makulay na tradisyon, detalyadong gawang-kamay at matibay na koneksyon sa kanilang kultura.
Isa sa kanilang popular na likha ay ang telang T’nalak na hinabi mula sa abaka ng mga kababaihang tinawag na Dreamweavers.
Ayon sa kasaysayan, ang disenyo ng kanilang tela ay ay mula sa panaginip at imahinasyon ng mga manghahabi sa paggabay ni Fu Dalu, ang Espiritu ng panaginip.
Katuwang sa mga likha ng Sinelas.atbp si Jared Servano, isang nilalang na mahusay sa disenyong Mindanaoan.
First runner-up si Jared sa Project Runway Philippines at naging kinatawan ng bansa sa International Fashion Showcase sa London.
Bukod kay Jared, kasama sa team ng Sinelas.atbp ang anak ni Jared na si Sofia Jude para naman sa nalalapit na paglulunsad naman ng “At Iba Pa” na mga RTW (ready-to-wear) na mga damit.
Si Sofia ang visionary sa likod ng brand na ANORE at isang award-winning designer na kilala sa kanyang tagumpay sa Econest Design Competition at bilang finalist sa HIBLA National Competition.
Ang Sinelas.atbp ay higit pa sa brand ng mga sinelas at sapatos; suportado nito ang mga manlilikha at manggagawa ng katutubong komunidad ng Lake Sebu at ang kanilang “dreamweaving traditions”, pagpapa-unlad ng kanilang kabuhayan, at pagpapalaganap ng “slow fashion” sa pamamagitan ng kanilang adbokasiya ng “slow, handmade and sustainable fashion” upang mapanatiling buhay ang tradisyunal na pamamaraan.
Maging ang patnugot ng entertainment section ng pahayagang ito, si Rohn Romulo, ay gumamit na ng materyales na T’nalak, sa isang espesyal na event ng grupong kinabibilangan niya, ang SPEEd, sa kanilang mga kasuotan at accessories.
Samantala, matatagpuan ang nag-iisang physical store ng Sinelas.atbp sa Royal Mansion sa Wack Wack Road, Mandaluyong. Maaari ring um-order sa kanilang email address na sinelas.atbp@gmail.com, sa kanilang Facebook page na Sinelas.atbp at Instagram account na Sinelas.atbp.
(ROMMEL L. GONZALES)