Hindi pala sila nakakapag-usap ng mga anak… JAMES, hindi natatakot mamatay dahil mapupunta sa langit
- Published on March 17, 2026
- by @peoplesbalita
SA panayam ng “Ogie Diaz Inspires”, nabanggit ni James Blanco na nagmamadali na nga raw siyang mauna sa heaven.
Ayon sa aktor, handa na siya anumang oras na kunin siya ni Lord at naniniwala siyang kapag pumanaw siya ay sa langit siya mapupunta.
Kung ang karamihan sa mga tao ay natatakot mamatay, kabaligtaran nga ito ang nararamdaman at paniniwala ng aktor.
Sinabi niya ito sa pag-uusap nina Mama Ogs at James tungkol sa relasyon niya sa tatlong anak kabilang na ang former “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0” housemate na si Iñigo Jose.
Ito ang inamin ng batikang aktor sa sitwasyon nila ng anak na si Iñigo Jose, na kamakailan ay pumasok sa showbiz bilang housemate sa “Pinoy Big Brother Celebrity Collab 2.0”.
Ayon kay James, hindi pa rin niya nakakausap si Iñigo at ang dalawa pa niyang anak na sina Sebastian at Natalia, “Masakit kasi very close ako sa mga anak ko.
“Pero parang hindi naman sila naba-bother na wala ako, kaya masakit,” sey pa ng aktor.
“Ang tingin kasi sa mga tatay super strong, hindi nasasaktan. ‘Yung parang laging nababaliwala ang mga tatay. ”
Sabi pa ni James patungkol sa anak, “Napanood ko ‘yong interview mo sa kaniya. Hindi pa kami nakakapag-usap talaga.”
Miss na miss na rin daw niya ang mga anak, “Sobra, kasi anak ko buhay ko, e. Buhay ko ‘yong mga anak ko.”
Hindi naman daw siya nagkukulang noon ng paalala sa kanyang mga anak at para rin daw ito sa kanilang patanda.
Sana raw, huwag nang hintayin pa ng tatlong anak na mapunta siya sa ospital at tuluyang mawala bago ma-realize ng mga ito ang kanyang mga pangaral.
“Kung papipiliin lang ako, ‘di ba may kasabihan na lahat tayo gustong pumunta sa langit pero ayaw mauna? Ako, hindi. Nagmamadali pa ako. Ako na.
“Papunta na ako sa langit, e. Bakit pa ako magse-stay dito? Ang ganda-ganda ng promise ng Panginoon, e. Bakit pa ako dito nagsa-suffer na ako rito?
“Nandu’n ‘yung pangako ng Diyos, e. Wala na akong pain na mararamdaman,” pahayag pa ng aktor.
(ROHN ROMULO)