Sa movie rin nakilala ang boyfriend na si Yasser… ROBB, aminadong sobrang memorable ang ‘Desperada’
- Published on March 11, 2026
- by @peoplesbalita
AMINADO ang VMX star na si Robb Guinto na sobrang memorable sa kanya ang pelikulang “Desperada” na entry sa gaganaping Sinag Maynila Independent Film Festival.
Ito ay mapapanood sa mga piling sinehan sa Metro Manila mula March 23-29, 2026.
Mula sa pamamahala ng award-winning director na si Louie Ignacio at produced ng LDG Production nina Lito de Guzman at Daniela Carolino.
Itinuturing ni Robb na ang “Desperada” ay isang art film.
Sambit ng aktres, “Para sa akin po, ang movie ni direk Louie, it’s really an art. Bawat frame ay napakaganda po at ipinapakita rin dito ang reality ng bansa natin.
“Ang role ko po rito ay si Brenda, isang babaeng lumaki sa pang-aabuso at pinilit na ibenta ng sariling ama hanggang sa nawala sa sarili.”
Wika pa ni Robb, “Dito sa movie na ito, talagang ibinigay ko po ang lahat, ang buong effort talaga… and of course sa mahihirap na bagay, nandoon po si Direk para alalayan ako.
“Lalo na… may mga part po sa pelikula na talagang makikita po na sobrang struggle ng character ko po rito, which is nandoon si Ate Sue (Prado), si direk Louie, na-guide po niya ako rito talaga.”
Tampok din sa pelikula ang real-life boyfriend ni Robb na si Yasser Marta, Mhack Morales, Marife Necesito, at Mercedes Cabral. Plus, ang newcomers na sina Julianne Richards at Jorge Guda.
Ano ang tema ng movie at nagpa-sexy din ba siya rito?
“Drama po ang movie… Yes po, nagpa-sexy ako sa Desperada,” matipid na pahayag ng aktres.
Aminado rin si Robb na isa ito sa pinaka-challenging na role na nagampanan niya.
Aniya, “Yes sobra po akong na-challenge rito, lalo na kapag umo-order si direk ng luha, hahaha! Mapapanood ninyo iyan sa trailer, sa last part.”
Dagdag pa niya, “ang importante po is nakapasok kami sa Sinag Maynila, out of 75 na entry. At saka panalo na po sa akin dahil siyempre ay nakatrabaho ko ulit si Direk Louie, and of course, nakapasok kami sa Sinag Maynila.
“Siyempre ang isa pang magandang nangyari sa movie na ito, dito ko nakilala ang boyfriend ko. Kaya talagang sobrang memorable sa akin ng movie na ito,” masayang pahayag pa ni Robb ukol kay Yas.
(NONIE V. NICASIO)