Mister, kritikal sa pananaksak sa Caloocan
- Published on March 11, 2026
- by @peoplesbalita
KRITIKAL ang 54-anyos na lalaki nang pagsasaksakin ng lalaking nagalit makaraang hindi niya pahiramin ng cellphone na dahilan ng kanilang argumento hinggil sa online game sa Caloocan City.
Nakaratay habang inoobserbahan sa Chinese General Hospital sanhi ng tinamong saksak sa dibdib at bahagi ng tadyang ang 54-anyos na biktima na residente ng lungsod.
Nakapiit naman ngayon sa Custodial Facility Unit ng Caloocan City Police at nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si alyas “Lito”, 52, at residente ng Brgy. 12, ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Libis Talisay, Brgy. 12.
Lumabas sa imbestigasyon pulisya, tumanggi umano ang biktima na ibigay sa suspek ang kanyang cellphone na dahilan ng kanilang argumento hinggil sa online game na ‘scatter’.
Nagalit umano ang suspek at inundayan ng saksak sa dibdib at bahagi ng tadyang ang biktima bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa Caloocan City Medical Center bago inilipat sa nasabing pagamutan.
Sa isinagawa namang follow up operation ng mga operatiba ng Caloocan Police Intelligence Section sa pangunguna ni P/Capt. John David Chua, ay naaresto ang suspek dakong alas-3:00 ng hapon sa 2nd Avenue, Brgy. 41, ng lungsod. (Richard Mesa)