News 1 Kelot, nagbinta ng baril sa pulis, kulong
- Published on March 10, 2026
- by @peoplesbalita
KALABOSO ang isang lalaki na sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng baril nang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Malabon City.
SA ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa umano’y illegal na pagbebenta ng baril ni alyas “Boy”, 38, residente ng lungsod.
Nang positibo ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng NPD District Special Operations Unit (DSOU) ang buy bust operation laban sa suspek.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa undercover police poseur-buyer kapalit ng isang baril ay kaagad siyang sinunggaban ng mga operatiba ng DSOU sa Brgy. Longos.
Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na walang kaukulang dokumento at buy bust money.
Sinampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Section 32 ng R.A 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Pinuri ni PGen. Dela Cruz ang mga operating unit sa kanilang kasipagan, disiplina, at propesyonalismo sa matagumpay na pagsasagawa ng operasyon. (Richard Mesa)