• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

IPINAG-UTOS NI PBBM SA PSA: PABILISIN AT PAGAANIN ANG PROSESO NG PAGKUHA NG DOKUMENTO

NEWS 4 INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Linggo ang Philippine Statistics Authority (PSA) na higit pang gawing simple at mabilis ang proseso ng pagkuha ng mga civil registry document, partikular ang correction ng birth certificate, bilang bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng pamahalaan para sa digitalization at pinahusay na serbisyo publiko.

Tinugunan ng Pangulo ang mga alalahanin at mungkahi ng publiko hinggil sa mahirap na proseso sa pagkuha ng mga dokumento at aplikasyon ng ID, lalo na para sa mga mahihinang sektor at sa mga nakatira sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

Sa kanyang BBM Vlog 278: Sagot sa Polisiya, na in-upload sa YouTube, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na pagbutihin ang mga digital na serbisyo ng bansa, partikular ang pagpapatupad ng eGov PH app, isang one-stop mobile platform na nagpapadali ng transaksyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

“Sa tingin ko, sa mga nagagawa na nating improvement gamit ang eGov at internet, dapat ay isa na ito sa mga serbisyong hindi na natin inaalala. Napaka-basic naman niyan at ilang oras ang kakainin sa inyong araw para lang pilahan ang iisang dokumento,” ani ng Pangulo.
“Gamitin natin nang gamitin at kami naman sa national government, dapat ay padadaliin namin ang proseso. Kaya PSA, padaliin niyo na, pabilisin niyo na,” dagdag ng Pangulong Marcos.
Nabanggit din ng Pangulo na inilunsad kamakailan ng PSA ang PSA e-Certificate service, na nagbibigay-daan sa mga Pilipino na makakuha ng digital na kopya ng kanilang birth certificate, marriage certificate, at iba pang civil registry documents.

Ayon kay Pangulong Marcos, dapat maging pamantayan na sa lahat ng PSA offices ang serbisyong ito, at dapat ding payagan ang paghingi ng pisikal na kopya sa alinmang PSA branch para sa mas komportableng transaksyon.
Binigyang-diin din ng Pangulo na dapat kilalanin ng lahat ng ahensya ng pamahalaan ang mga digital document bilang mga valid na dokumento.
“Kung tutuusin, marami na tayong serbsiyo sa eGov na kailangan lang fully ma-integrate sa workflow ng iba’t ibang opisina,” ani Pangulong Marcos.
Inamin din ng Pangulo na maaaring kailangan pa rin ang personal na pagharap sa ilang proseso upang maiwasan ang mga mapanlinlang na pagpaparehistro ng kapanganakan, na binanggit ang kaso ni Alice Guo bilang halimbawa.
Sa pagtugon sa mga mamamayan na maaaring walang sapat na dokumento para makakuha ng ID, binigyang-diin ng Pangulo ang patuloy na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga marginalized sector na makakuha ng pagkakakilanlan at civil registry documents sa pamamagitan ng Pag-Abot ID para sa mga street dweller na maaaring gamitin bilang supporting document sa pag-a-apply ng iba pang ID.
Mayroon ding Co-Location program ang DSWD na nagdadala ng PSA assistance sa mga payout sites ng ahensya upang matulungan ang mga benepisyaryo na makakuha ng mga dokumento tulad ng birth certificate at national ID.
“Pinadali na rin ng PSA ang proseso ng pagkuha ng National ID. Tinatanggap na po ng PSA ang kahit anong dokumento na may pangalan, araw ng kapanganakan, address, litrato, o lagda, o thumbmark katulad ng Barangay Clearance,” ani ng Pangulo.
“Sa mga kababayan po natin na kabilang sa marginalized sector o nakatira sa mga GIDA, kung may Barangay Clearance kayo, maaari na po ninyong makakuha ng National ID,” dagdag pa ng Pangulong Marcos.
Para naman sa ibang mamamayan na hindi kabilang sa pinakamahihirap na sektor, hinikayat ng Pangulo ang paggamit ng mga digital government service tulad ng PSA e-Certificate program. ( Daris Jose)