• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NEWS 2 MAS MABILIS AT PINASIMPLENG PAMAMAHAGI NG AYUDA SA MGA SENIOR CITIZEN, IPINAG-UTOS NI PBBM

SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagpapabuti sa paghahatid ng tulong sa mga senior citizen, kabilang ang posibilidad na alisin ang mahahabang pampublikong programa bago ang distribusyon at gawing mas simple ang proseso upang mas mabilis na makarating ang ayuda sa mga benepisyaryo.
Sa BBMVLOG 278 na pinamagatang Sagot sa Polisiya, tumugon ang Pangulo sa mga komento ng mga manonood, kung saan binasa niya ang isang mungkahi mula sa isang netizen na nagpahayag ng pagkabahala sa kasalukuyang proseso ng pamamahagi ng ayuda sa mga senior citizen.
“Mula kay Geraldo Buena: Mr. President, ‘yung mga senior citizen natin kapag binibigyan ng ayuda, bakit naman po kailangan pang magpunta sa court at maghihintay pa nang matagal bago ibigay ang anumang pinagkakaloob sa kanila? Madalas kailangan pang antayin ‘yung pulitiko na dumating dahil isa-isa pang silang magsasalita sa harap at paulit-ulit lang naman na ipinapakilala ang kanilang mga sarili. Nakakarindi sa pandinig ito. Puwede bang tapusin na ang ganiyang kalakaran? Sayang ang tanggapan ng barangay kung hindi sila puwedeng gamitin upang ihatid sa bawat bahay ng mga benepisyaryo ang ayuda para sa kanila,” ani ng Pangulo.
Bilang tugon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang mga tulong na pinopondohan ng pambansang pamahalaan ay hindi dapat gamitin sa mga gawaing pampulitika o personal na promosyon ng mga opisyal.
“Alam niyo po, basta’t ito ay mga programa ng national government. Ang mga speech at iba pang pang-epal bago ng distribution, hindi na pupuwede ‘yan. Hindi puwedeng gamitin ang government services sa pamumulitika o pagpo-promote ng sarili,” pahayag ng Pangulo.
Idinagdag ng Pangulong Marcos na umiiral na ang mga patakaran laban sa ganitong gawain, batay sa memorandum circular ng Department of the Interior and Local Government at mga probisyon ng General Appropriations Act na nagtatakda ng wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan ng pamahalaan ang pag-digitize ng pamamahagi ng tulong upang mapabilis at mapadali ang proseso, kabilang ang paggamit ng digital payment platform gaya ng GCash.
“Sa distribution naman, pinapag-usapan na ang pag-digitize ng proseso. Baka puwedeng Gcash. May ibang mga LGU na gaya ng Makati na sinusubukan na ang ganitong sistema. Dapat tingnan pa rin ng mga local government unit ang modelong ito. Aralin ang sistema at unti-unting ma-implementa. Basta’t sa national government nanggaling ‘yan, mabilis na. ‘Di ka na kailangan makinig sa mahabang speech ng mga pulitiko,” giit ng Pangulo. (Daris Jose)