BFP chief kakasuhan sa malawakang korapsyon – DILG
- Published on March 9, 2026
- by @peoplesbalita
NAKATAKDANG sampahan ng reklamo ni Interior Secretary Jonvic Remulla si Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez dahil sa diumanoy korapsyon.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Remulla na ipaghaharap niya ng reklamong grave misconduct at graft and corruption si Fernandez.
Bukod kay Fernandez, sasampahan din niya ng reklamo ang nasa 50 indibidwal na sangkot naman sa bid-rigging sa BFP mula noong taong 2021 hanggang 2025.
Paliwanag ni Remulla, lumalabas sa ginawa nilang imbestigasyon na talagang pinagkakitaan ng BFP ang mga negosyante sa pagkuha ng mga permit.
Aniya, ilan din sa mga fire inspectors na kanyang kakasuhan ay hinaharass ang mga may-ari ng negosyo kung saan sapilitan nila itong pinagbebentahan ng fire extinguishers.
Sinabi pa ng kalihim na nasa 40 reklamo ang natanggap ng DILG laban sa mga umano’y anomalya sa BFP at 21 dito ay kanila nang idinulog sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP para sa kaukulang imbestigasyon.