• March 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbatikos at pambabastos kay Rep. Sarah Elago ni Atty. Ferdinand Topacio, kinondena ng Gabriela Women’s Party

KINONDENA ng Gabriela Women’s Party si Atty. Ferdinand Topacio sa ginawa nitong pagbatikos at umano’y pambabastos kay Rep. Sarah Elago, kinatawan ng sektor ng kababaihan sa Kongreso.
Sa isang radio program sa dwIZ, pinagtanggol ni Topacio si Quezon City Rep. Bong Suntay sa ginawa nitong kontrobersiyal na pahayag sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Martes.
Ayon kay Topacio, ang ginawang paghahalimbawa ni Suntay na imahinasyon sa isang babae ay relevant sa isyu. Sa nasabing pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, inihalimbawa ni Suntay ang kanyang “desire” kay Anne Curtis, isang batikang aktres.
Sinabi ni Topacio natural lamang sa lalake tulad ni Suntay ang mag-imagine at kanya pang sinabi na kahit siya mismo ay nagnasa kay Elago.
Dahil dito nagalit si Elago at nagbantang magsasampa ng kaso laban sa abogado na tinawag niyang “misogynic.”
“Mariin naming kinukondena ang kanyang misogynistic at mapanirang mga pahayag. Hindi na ito nakakagulat mula sa isang abogado kuno na may mahabang track record sa panre-redtag at pambabastos sa kababaihan,” sinabi ni Elago.
Ayon kay Elago, hindi dapat pahintulutan na maging abogado si Topacio. “Ang mga katulad niya ay hindi dapat hinahayang maging abogado kung ginagamit lamang ang propesyon upang mang-alipusta sa kababaihang lumalaban sa abuso at korapsyon.”
“Pinag-aaralan namin ang mga posibleng ligal na hakbang upang mapanagot si Topacio. Hindi ito katanggap-tanggap, at lalong hindi dapat pinapalampas,” sinabi ni Elago.
(Vina de Guzman)