• March 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 sangkot sa droga, tiklo sa Oplan Galugad sa Valenzuela

SA kulungan ang bagsak ng anim na indibidwal kabilang ang tatlong drug suspects matapos mahuli sa aktong naglalaro ng ilegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Batay sa ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation Oplan Galugad ang mga tauhan ng Police Sub-Station 6 nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng baraha sa Road 1 Lingahan St., Barangay Malanday, alas-5:22 ng hapon.
Nakumpiska sa kanila ang perang pantaya at gamit na baraha habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Ian”.

Nauna rito, naaresto ng mga tauhan ni Police Sub-Station 5 Commander P/Capt. Doddie Aguirre ang dalawang lalaki nang maaktuhang nagsusugal naman ng cara y cruz sa Bukid St., Brgy., Balangkas.
Nasamsam sa dalawa ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakumpiska kay alyas “Santo”, 45, construction worker.
Sa Brgy., Gen. T De Leon, naaresto naman ng mga tauhan ng SS2 ang dalawang sugarol nang maaktuhang naglalaro ng cara y cruz sa L. Bernardino Street dakong alas-5:45 ng hapon at nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Syn”.
Naisalang na sa inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office ang mga suspek para paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). (Richard Mesa)