HIGH-VALUE TARGET ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION NG PDEA, ₱3.4-M HALAGA NG ILEGAL NA DROGA NAKUMPISKA
- Published on March 7, 2026
- by @peoplesbalita
ARESTADO ang isang priority drug personality sa matagumpay na buy-bust operation na isinagawa bandang 1:40pm nitong Marso 5, 2026, sa Barangay Poblacion 2, Buenavista, Agusan del Norte.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 13 Agusan del Norte Provincial Office, sa tulong ng PDEA 13 LPU at ng Buenavista Municipal Police Station.
Nakumpiska sa operasyon ang limang (5) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na sangkap na pinaghihinalaang shabu, na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 500 gramo. Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang aabot sa halagang ₱3.4-M.
Nabawi rin ang buy-bust money at isang (1) itim na Android mobile phone.
Ang naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs, Article II ng Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Muling pinagtitibay ng mga awtoridad ang kanilang pangako sa pagpapaigting ng mga operasyon kontra-droga at hinihimok ang publiko na patuloy na suportahan ang mga pagsisikap ng gobyerno sa pamamagitan ng pananatiling mapagmatyag at pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga komunidad.
(PAUL JOHN REYES)