Top 4 most wanted ng NCRPO, nabitag sa Malabon
- Published on March 7, 2026
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang lalaki na wanted sa dalawang bilang na kasong rape nang malambat ng pulisya sa manhunt operation sa Malabon City.
Sa ulat ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, ang 29-anyos na akusado na residente ng Caloocan City ay nakatala bilang No. 4 sa Top Ten Most Wanted Person sa NCRPO, Top 2 sa NPD at Top 1 sa Malabon CPS.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Col. Umipig na naispatan ang presensya ng akusado sa lungsod kaya kaagad niyang ipinag-utos sa kanyang mga tauhan ang pagtugis dito.
Alas-6:30 ng gabi nang tuluyang masukol ng pinagsanib na mga tauhan ng Sub-Station 3 at Warrant and Subpoena Section ng Malabon CPS ang akusado sa Brgy., Panghulo.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Family Court, Branch 4, para sa kasong 2 counts of Rape Through Sexual Assault and Acts of Lasciviousness.
Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth sa manhunt operation ang 36-anyos na babae na wanted na nakatala bilang No. 6 sa TTMWP sa Caloocan CPS dahil sa paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Possession of Drug Paraphernalia).
Ayon kay B/Gen. Dela Cruz, ang pagkakaaresto sa mga akusado ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa Camanava area. (Richard Mesa)