PBBM gagamitin ang byahe sa Estados Unidos para manligaw: Pinas, hangad ang mas malakas na suporta para sa UNSC seat
- Published on March 7, 2026
- by @peoplesbalita
SINABI ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hangad ng Pilipinas ng mas malawak na suporta mula sa international para sa inaasam nito na non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC).
Ang halalan para sa UNSC 2027-2028 term ay isasagawa sa June 2026.
Sinabi ni DFA spokesperson Assistant Secretary Angelica Escalona na nakatakdang magsalita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang special session ng United Nations General Assembly sa New York sa Marso 9 at 10.
Bibigyang-diin ni Pangulong Marcos ang long-standing commitment ng Pilipinas sa UN simula pa sa pagtatatag nito noong 1945.
“In his address at the General Assembly, the President will underscore how the Philippines has continuously and constructively engaged the United Nations and UN member-states since the UN’s founding in 1945,” ayon kay Escalona sa press briefing sa Malakanyang.
Sinabi pa ni Escalona na “the Philippines has advanced the rule of law, multilateralism, sustainable development, climate resilience, humanitarian action, and the promotion of human rights and protection of vulnerable groups in conflict situations.”
Bibigyang diin din ng Pangulo na ang makakuha ng UNSC seat ay makapagbibigay sa Pilipinas ng mas malakas na boses sa ‘global peace at security matters’ na nakaaapekto rin sa national interests gaya ng soberanya, maritime security, global economy, at kapakanan ng mga overseas Filipino Workers.
Samantala, sinabi ni Escalona na pinag-aaralan din ng Pilipinas ang naunang imbitasyon dito na sumali sa panukalang “Board of Peace,” na nauna nang binanggit ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez. (Daris Jose)