• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Para pangasiwaan ang education reforms: PBBM, nilagdaan ang batas na magpapalawig sa buhay ng EDCOM 2

TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang pagpapalawig sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) para sa karagdagang dalawang taon na buhay nito.
Layon nito na pahintulutan ang EDCOM 2 na ipagpatuloy ang pangangasiwa sa education reforms at higit na maihahanay ang education system ng bansa kasama ang national development at pangangailangan ng mga manggagawa.
Inamyendahan ng Republic Act No. 12315 ang RA 11899, pinalalawig ang buhay ng komisyon lagpas sa orihinal na three-year term, nagtapos noong December 2025.
“Upon completion of the initial three-year mandate, the Commission shall continue to operate for an additional period of two years to conduct further research and consultations as may be necessary, and to exercise oversight over the implementation of the National Education and Workforce Development Plans,” ayon sa batas.
Sa ilalim ng batas, ang EDCOM 2 ay kinakailangan na mahigpit na makipag-ugnayan at trabaho sa mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Education, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Social Welfare and Development, at Department of Health, at maging ang Kongreso at iba pang katuwang, upang tulungan na paghusayin ang education system ng bansa.
Ang pagtutulungang ito ay naghahangad na tiyakin na ang ‘education at training programs’ ng bansa ay naka-align sa national development plans at mga kasanayang kailangan sa job market, habang nakasuporta sa long-term improvements sa education system.
Ang komisyon ay may tungkulin na gabayan ang policy reforms na nakahanay sa curricula, teaching methods, at assessment systems na may global standards at measurable learning outcomes.

Layon nito na ma-meet ng Philippine education sector ang international standards.
Samantala, ang batas ay nilagdaan ng Pangulo, araw ng Miyerkules, Marso 4 at magiging epektibo matapos ang 15 araw na pagpapalathala sa Official Gazette o sa pahayagan na may general circulation.
(Daris Jose)