• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

875 mag-aaral nagtapos sa Oplan: Talk Read ni Cong. Egay Erice sa Caloocan

UMABOT sa 875 mag-aaral mula Grade 1 hanggang 3 ng 17 pampublikong elementarya at tatlong barangay sa Ikalawang Distrito ng Caloocan City ang matagumpay na nagtapos sa Oplan: Talk Read – Pagpupugay sa Tagumpay ng Pagbasa Graduation Ceremony, na ginanap sa Caloocan High School.

Ang programa na pangunahing inisyatiba ni Congressman Egay Erice sa pakikipagtulungan ng DepEd – Schools Division Office Caloocan City, ay nakatuon sa reading-with-comprehension tutorial sessions upang palakasin ang kakayahan ng mga batang bumasa at umunawa sa kanilang binabasa.

Dumalo at nagbigay-suporta sa okasyon si Senadora Loren Legarda, na personal na nakisaya sa tagumpay ng mga bata at binigyang-diin ang kahalagahan ng literacy at maagang interbensyon sa edukasyon.

Kasama rin sa mga panauhin sina Assistant Secretary Janir Datukan ng DepEd, Regional Director Rita Riddle ng DepEd-NCR, Schools Division Superintendent Dr. Cecille G. Carandang, Atty. Jonas Lardino, OIC-Director ng DOLE CAMANAVA Field Office, dating Ambassador Alfredo Yao, Ms. Debbie Guo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Konsehal Atty. Charm Quimpo.

Mahalagang bahagi ng tagumpay ng programa ang suporta ng Department of Labor and Employment (DOLE) CAMANAVA Field Office sa pamamagitan ng TUPAD program, na naglaan ng allowances para sa 100 tutors na nagsilbing gabay at inspirasyon ng mga bata sa buong implementasyon ng proyekto.

Nakibahagi rin sa pagdiriwang ang mga magulang ng mga mag-aaral, mga opisyal ng Schools Division Office Caloocan, mga punong-guro at kanilang mga focal persons, at mga kinatawan mula sa Barangay Learning Centers ng Barangay 8, 12, at 120.

Ayon kay Congressman Erice, ang Oplan: Talk Read ay patunay ng matibay na pagkakaisa ng pamahalaan, paaralan, at komunidad sa pagtataguyod ng edukasyon, at patuloy na layunin ng programa na maabot at matulungan ang mas marami pang batang handang bumasa at mangarap.
(Richard Mesa)