• April 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAMAHAGI NG ₱15.96-M TULONG-PINANSYAL SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA MAYNILA

NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA), sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito, ng ₱15.96 milyong halaga ng tulong pinansyal sa mga biktima ng sunog sa isang seremonya na ginanap sa Delpan Sports Complex, Tondo, Manila, ngayong araw, Marso 04, 2026.

Personal na pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai, kasama si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang pamamahagi ng ayuda para sa 532 apektadong pamilya sa Brgy. 655, Zone 69, Cabido St., Intramuros, Manila, noong nakaraang Pebrero 25, 2026.

Sa kanyang mensahe, umaasa si GM Tai na makakatulong kahit papano ang ayuda sa mga benepisyaryo.

“Sa lahat po ng mga benepisyaryo ng ating EHAP, hangad po namin na makatulong ang munting halaga na ito sa inyong unti-unting pagbangon at pagsisimulang muli,” ani GM.

Ayon sa mga alituntunin ng programa, nakatanggap ang bawat pamilya ng P30,000 bilang paunang pondo para sa pagkukumpuni at pagsasaayos ng kanilang mga tirahan. Bukod dito, ang mga pamilya ay na-screen at na-validate, sa koordinasyon at pakikipagtulungan sa Manila social welfare and development office para sa recipient certification at verification.

Bilang tugon, nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Moreno para sa agarang tulong ng NHA sa mga Manileño na naapektuhan ng sunog.

“Maraming salamat sa NHA at kay GM Tai sa paghahatid ng EHAP sa mga taga-Maynila at sa pagbibigay ng mabilisang tulong at serbisyo sa ating mga kababayan,” wika ng local chief executive.

Nakasama rin sa okasyon sina NHA NCR-West Sector Cromwell C. Teves, Manila Urban Settlements Head Jay Dela Fuente, at iba pang lokal na opisyal.

Ang EHAP ay isa sa mga kasalukuyang programa ng NHA na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga pamilyang nasalanta ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo, sunog, pagbaha, pagguho ng lupa, at lindol. Layunin ng programang ito na makapaghatid ng suporta sa mga pamilyang nawalan ng tahanan o kabuhayan, bilang tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
(PAUL JOHN REYES)