• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB NAGLABAS NG SCO VS OPERATOR NG TAXI, BUS DAHIL SA ‘UNSANITARY’, ‘UNSIGHTLY’ NA KONDISYON NG KANILANG MGA PUVs

NAGLABAS ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa operator ng isang taxi at isang pampasaherong bus dahil sa umano’y “hindi malinis” at “hindi kaaya-ayang” kondisyon ng kanilang mga pampublikong sasakyan (PUVs).

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan ang mga operator na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) dahil sa kalagayan ng kanilang mga unit.

“Ang kondisyon ng taxi at bus na ito ay nagdudulot ng pagdududa sa pagiging ligtas ng mga sasakyan. Ang ganitong uri ng mga unit ay hindi dapat pinapabiyahe, lalo na’t ginagamit para sa pampublikong transportasyon,” ani Chairperson Mendoza.

Ang pagpapalabas ng SCO sa taxi ay nag-ugat matapos personal na makita ni Chairperson Mendoza ang naturang unit sa kalsada. Sa kanyang pagsusuri, napansin na sira na ang mga upuan na tinakpan lamang ng basahan at marumi na ang loob ng sasakyan. Bukod dito, ang drayber ay nakasuot lamang ng short pants.

Samantala, ang pampasaherong bus ay namataan noong Pebrero 26 malapit sa Quezon Memorial Circle. Isang larawan ng naturang bus na nasa bulok at hindi kaaya-ayang kondisyon ang ipinadala sa LTFRB bilang patunay. Inatasan ang operator na iprisinta ang lahat ng kanilang unit para sa inspeksyon.

Dagdag pa rito, inatasan din ang operator ng taxi na ipaliwanag kung bakit pinayagang magmaneho ang kanyang drayber nang walang tamang uniporme.

Binalaan ang dalawang operator na may kaakibat na parusa kung hindi nila susundin ang utos ng LTFRB.

“Ito ay isang matibay na mensahe sa lahat ng operator na ayusin ang kanilang serbisyo. Kung hindi, pasensyahan na lang tayo dahil bibigyan ko kayo ng problema dahil sa hindi ninyo pagtrato ng maayos sa mga pasahero,” ani Chairperson Mendoza.
“Malinaw sa pag-aapply ng CPC na dapat ninyong igalang at pangalagaan ang inyong mga pasahero. Ngunit sa kasong ito, malinaw na hindi sila nirerespeto dahil sa kalagayan ng mga PUVs,” dagdag pa niya.

Ayon kay Chairperson Mendoza, ang pagpapalabas ng SCO ay patunay ng pagtutok ng LTFRB sa kapakanan ng mga mananakay, sa pamamagitan ng pagtugis sa mga drayber at operator na lumalabag sa mga kondisyon ng kanilang CPC.

Patuloy ang operasyon at nananawagan ang LTFRB sa publiko na iulat hindi lamang ang mga bulok na PUVs kundi pati na rin ang mga terminal ng bus at PUV na nasa hindi maayos na kalagayan.

Higit sa 120 SCOs at notices of violation na ang naipamahagi ng LTFRB laban sa mga operator ng mga terminal na may sira at luma nang pasilidad. (PAUL JOHN REYES)