• March 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Work from home, 4-day work week iginiit

IGINIIT ni Sen. Win Gatchalian na ipatupad ang work from home o apat na araw na lamang na pagtatrabaho sa loob ng isang linggo bilang bahagi ng pagtitipid sa gasolina.

Ayon kay Gatchalian,­ kung ipatutupad ang work from home ay maiiwasan ang gastos.
“Ang immediate natin…kung kayang mag implement ng 4-day work week instead na limang araw na nasa kalsada or work from home para hindi lalabas ng kalsada kasi once na lumabas ka gastos ng petrolyo yun eh,” ani Gatchalian.

Inaasahan ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa nangyayaring gulo sa Middle East.
Sa kasalukuyan, may batas sa Pilipinas kaugnay sa work from home o pagta-trabaho sa bahay gamit ang internet. Ang WFH ay nakapaloob sa Republic Act 11165 o Telecommuting Act.

Nangangamba rin ang ilang senador hindi lang sa pagtaas ng pre­syo ng mga produktong petrolyo kundi ang tuluyang pagkawala ng suplay kung hindi titigil ang Iran sa pambobom­ba sa Middle East.

Bagaman ang Amerika at Israel ang nambomba sa Iran, gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng pambobomba sa Gitnang Silangan kung saan may mga base ang Amerika.

Isinara rin ng Iran ang Hormuz Strait na dinadaanan ng mga oil tankers.