Kapatid ni Cong. Erice, nabiktima ng “basag-kotse” sa Caloocan
- Published on March 5, 2026
- by @peoplesbalita
NABIKTIMA ng “basag-kotse” si Lito Erice, kapatid ni Caloocan City 2nd District Congressman Egay Erice, na naganap noong Pebrero 27, sa Barangay 106, Caloocan City.
Sa naturang insidente, natangay ng hindi pa nakikilalang kawatan ang bag ng biktima na naglalaman ng ₱480,000 cash at ilang mahahalagang personal na dokumento.
Gayunman, nilinaw ni Lito Erice na ang nasabing halaga ay personal niyang pondo bilang isang negosyante at walang kaugnayan sa anumang transaksyon o kontrata sa pamahalaan.
Aniya, ang pera ay nakalaan para sa pagbili ng mga materyales para sa isang proyektong kanyang pinangangasiwaan, pambayad sa sahod ng mga manggagawa ngayong katapusan ng buwan, at para sa ilang personal na gastusin.
Ipinaliwanag din niya na maaga pa nang mangyari ang insidente at maliwanag ang paligid, na may presensya rin ng maraming tao kaya inakala niyang ligtas ang kanyang sasakyan habang siya ay may saglit na inaasikaso.
Sa kasamaang-palad, wala umanong CCTV sa mismong lugar na maaaring makatulong sa agarang pagtukoy sa mga suspek.
Ayon kay Erice, patuloy siyang nakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon at umaasa na matutukoy at mapapanagot ang mga responsable.
Binigyang-diin ni Erice na siya ay isang pribadong indibidwal at ang nangyari ay isang krimen kung saan siya mismo ang naging biktima.
Hinihiling din niya sa publiko ang patas na pag-unawa at pag-iwas sa mga haka-hakang walang kinalaman sa insidente.
(Richard Mesa)