Gilas, babalik sa drawing board matapos ang magkakasunod na talo sa FIBA Qualifiers
- Published on March 4, 2026
- by @peoplesbalita
MAGBABALIK sa drawing board ang Gilas Pilipinas matapos ang magkasunod na pagkatalo nito sa New Zealand Tall Blacks at Australia Boomers sa kanilang home games sa kasalukuyang window ng FIBA Basketball World Cup Qualifiers.
Hindi muling lalaro ang pambansang koponan hanggang Hulyo, kung saan sila naman ang bibisita sa Australia at New Zealand upang tapusin ang unang round ng qualifiers para sa FIBA World Cup na gaganapin sa Doha.
Bagama’t sigurado na ang Gilas sa pag-usad sa susunod na game ng kwalipikasyon, mahalaga pa ring makapagtala ng panalo ang koponan upang magkaroon ng tsansa na makakuha ng tiket sa World Cup.
Ayon kay head coach Tim Cone, kailangang paghandaan ng koponan ang laban nito sa second round, lalo na haharap ang team sa Middle East tulad ng bansang Jordan, Iran, Syria, at Iraq.
Sa kasalukuyan, tabla ang Gilas at New Zealand sa 2-2 kartada, habang nangunguna naman ang Australia sa Group A na may malinis na 4-0 record.
Halos wala na ring tsansa ang Guam matapos bumagsak sa 0-4. Nanatili namang usapin ang magiging komposisyon ng koponan sa Hulyo, kabilang ang availability ni Kai Sotto at ang posibleng pagpasok ni Justine Baltazar sa final lineup.