Krisis sa Middle East… US, Israel binomba ang Iran
- Published on March 2, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLUNSAD ng serye ng pag-atake ang Estados Unidos at Israel laban sa Tehran na capital ng Iran.
Base sa ulat, ang pag-atake ay ginawa matapos na magpahayag ng pagkadismaya si US President Donald Trump sa paninindigan ng Iran sa mga negosasyon tungkol sa kanilang mga programang nuclear at missile.
Sinabi ni Trump na ang layunin ng Washington ay ang pag-aalis ng mga agarang banta mula sa Iran habang inilarawan naman ng Ministry of Defense ng Israel na si Israel Katz na ang hakbang ay bilang isang “preventive strike” para maiwasan ang mas malaking panganib.
“The United States military began major combat operations in Iran,” sabi ni Trump sa isang video message na naka-post sa social media.
Nagbanta pa si Trump sa Iran na wawasakin ang kanilang missile at dudurugin ang kanilang industriya hanggang sa tuluyang maglaho at lilipulin din ang kanilang hukbong dagat.
Samantala, iniulat naman ng Iranian state television na ang kanilang presidente na si Masoud Pezeshkian ay ligtas at nasa mabuting kalagayan matapos ang pag-atake ng US at Israel.
Pinayuhan naman ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang mga Filipino doon na manatili sa loob ng kanilang mga tirahan at maghanda sa kanilang pagtataguan.
Tinatayang mayroong 30,000 manggagawa na karamihan ay caregivers sa Israel at mahigit 1,000 sa Iran.
Inabisuhan din ng embahada ang mga Pinoy sa Israel na bawal ang public gatherings at lahat ng tanggapan at institusyon ay sarado maliban sa mga essential services.
“We encourage all Filipinos to remain indoors and prepare to seek shelter in a mamada if there is an urgent alert,” abiso pa ng embahada. (Daris Jose)