SSS may 10% taas-pension simula Setyembre INANUNSYO ng Social Security System (SSS) na tatanggap ang lahat ng pensioners ng dagdag na 10% taas sa kanilang monthly retirement at disability pension simula sa Setyembre 2026.
- Published on February 28, 2026
- by @peoplesbalita
Sa ilalim ng three-year pension reform program, makatatanggap ng dagdag na pensyon ang mga miyembro nito kada Setyembre para sa mga taong 2025 hanggang 2027.
Bukod dito sinabi ni SSS President Robert Joseph de Claro na may 5% increase rin sa death at survivor pension ngayong taon.
Nilinaw din ni de Claro na walang magiging pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro nito hanggang 2027.
Aniya, pagkatapos ng ikatlong taon, ang mga pensiyon ay dapat sana tumaas ng humigit-kumulang 33% para sa mga retirement at disability pensioners, at 16% sa death at survivorship pensioners.
Aabot sa 3.9 million pensioners ang makikinabang sa pension hike initiative.
Tiniyak ng SSS na malakas ang financial performance ng tanggapan kung kaya walang ipatutupad na increase sa kontribusyon.
Para sa 2025, iniulat ng SSS na lumagpas sa P1 trilyon ang reserve fund nito, kung saan ang kabuuang assets ay lumago ng 22.1% at umabot sa P1.261 trilyon, mula sa P1.033 trilyon noong 2024.
Nakitaan din ang pension fund ng pinakamataas na net income sa kasaysayan, na umabot sa P142.97 bilyon, mas mataas ng 58.4% mula sa P90.248 bilyon noong 2024.
Samantala, ang kabuuang kita ng SSS ay umabot sa P460.61 bilyon, tumaas ng 21.4% taun-taon.