• March 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Turismo sa pelikula at telebisyon ay dapat tutukan.. Rep. ARJO, naniniwalang malaki ang maitutulong nito sa Pilipinas

MALAKI ang paniniwala ni Quezon City Rep. Arjo Atayde na ang turismo sa pelikula at telebisyon ay makatutulong sa Pilipinas na sumikat sa entablado ng mundo at magdala ng mga bagong pagkakataon para lumago ito.

Sinabi ni Arjo sa isang panayam, na ang kailangang kumilos ngayon ang Pilipinas para hindi mawalan ang malalaking oportunidad sa turismo, trabaho, at pandaigdigang atensyon sa ibang mga bansa.

“Movies and TV shows do more than just entertain us. They inspire people to visit places, improve how others see our country, and turn filming spots into popular tourist destinations,” pahayag ng aktor-politiko na anak ni Sylvia Sanchez.

Hinihimok ni Arjo ang mabilis na pag-apruba sa House Bill No. 384, na naglalayong gawing institusyonal ang turismo sa pelikula at telebisyon bilang isang pambansang estratehiya sa ekonomiya.

Paliwanag ng aktor, proud ang mga Pinoy kapag ipinakita ang Pilipinas sa world stage. Kapag nakikita ng mga tao ang ating bansa sa mga pelikula o TV, nagiging interesado sila sa ating kultura, tradisyon, at mga tao.

Ang panukalang batas ay naglalayon na magtatag ng isang sistema na ginagawang mas madali at mas kaakit-akit para sa mga lokal at internasyonal na filmmaker na mag-shoot sa Pilipinas. Sa mas mahusay na suporta at mas simpleng mga panuntunan, mas maraming produksiyon ang maaaring dumating.

Katuwiran pa niya, sa ibang mga bansa ay nagsusumikap para makaakit ng mga proyekto ng pelikula sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga espesyal na deal at ginagawang mas madali para sa mga gumagawa ng pelikula na magtrabaho roon.

“If we don’t keep up, the Philippines could miss out on jobs, new infrastructure, more tourists, and global recognition,” tugon pa ng congressman ng 1st District ng QC.

Ipinaliwanag pa niya na ang turismo sa pelikula ay isang magandang paraan para maisulong ang ating bansa. Ang isang pelikula ay maaaring magpakita ng ating magagandang lugar sa loob ng maraming taon.

Sa streaming at pandaigdigang mga manonood, ang ganitong uri ng pagkakalantad ay tumatagal sa buong taon.

Magbubukas ang naturang panukalang batas ng mas maraming pintuan para sa mga Filipino artist, crew, at creative worker na sumali sa mga internasyonal na produksyon.

Makatutulong ito sa ating industriya ng pelikula na lumago at lalong kilalanin ang Pilipinas sa buong mundo.

“This is not just about culture,” giit ng aktor. “It is also a way to boost our economy, create jobs, and attract investment.”

Dagdag pa ng asawa ni Maine Mendoza, laging handa ang Pilipinas para sa spotlight. Ngayon, kailangan natin ng sistema upang matiyak na ang ating mga komunidad at ekonomiya ay makikinabang sa tuwing may gagawing pelikula rito.

***

TINGOG Education Bills, inaprubahan ng House Panel.

APROBADO na ng House Committee on Basic Education and Culture ang tatlong priority bills na layong solusyunan ang krisis sa edukasyon sa bansa.

Ang mga panukalang ito ay pinangunahan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian K. Romualdez, at Jude A. Acidre.

Layon ng mga nasabing reporma na puksain ang malalang classroom shortage at siguruhin ang de-kalidad na Senior High School tracks na angkop sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral.Sa ilalim ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act at Emergency Classroom Building Act, mas mapapabilis na ang pagpapatayo ng mga paaralan dahil bibigyan ng kapangyarihan ang mga LGU at private sector na tumulong, habang magkakaroon din ng emergency powers ang Pangulo para sa mabilisang rehabilitasyon ng mga pasilidad.

Kasabay nito, babaguhin ng Education Pathways Act ang Senior High School para maging mas malinaw ang direksyon ng mga estudyante. Hahatiin ito sa dalawang track:

ang University Preparatory Pathway sa ilalim ng DepEd para sa mga magkokolehiyo, at Technical-Vocational Pathway sa ilalim ng TESDA para sa mga gustong magtrabaho agad. Ayon kay Rep. Jude Acidre, Chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, hindi na pwedeng maghintay pa ang bansa habang nahuhuli ang mga batang Pilipino sa international assessments.

“We cannot expect better learning outcomes from a system that lacks the basic conditions for learning. Infrastructure, curriculum, and governance must move in coordination,” ani Acidre. “The era of diagnosing the problem is over. The next phase is disciplined implementation: classrooms delivered, pathways clarified, and results sustained.”

Dahil sa approval ng komite, uusad na ang mga reform measures na ito sa plenaryo upang tuluyang maging batas at mabigyan ng mas maayos na kinabukasan ang milyong-milyong “aisle learners” sa buong Pilipinas.

(ROHN ROMULO)