• February 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, pag-aaralan ang batas na magdedeklara sa EDSA People Power anniv bilang regular holiday

SINABI ng Malakanyang na pag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang ideklara ang Pebrero 25 ng bawat taon bilang isang regular holiday bilang paggunita sa EDSA People Power Revolution.
”Ibigay lang po nila ‘yung versions nila kay Pangulo para po maaral, kung maisusumite po nila ito, ‘yan naman po ay aaksyunan ng ating Pangulo,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang panayam.
Nauna rito, bilang paggunita sa makasaysayang 1986 EDSA People’s Power Revolution, isinulong sa Kamara na ideklara ang Pebrero 25 kada taon bilang regular holiday sa bansa.
Layon ng House Bill (HB) No. 7911 na inihain ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na kilalanin ang mapayapa, hindi ba­yolenteng rebolusyon na isinagawa sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) na tumuldok sa diktaturyang rehimeng Marcos at nagpanumbalik ng demokrasya sa bansa.
Pinuna ng mga mambabatas na sa nakalipas na taon ang paggunita sa Pebrero 2025 ay hindi naging pare-pareho ang klasipikasyon na idineklarang special non-working holiday noong 2023, regular working day noong 2024 at special working holiday noong 2025 at 2026.
Sakaling mapagtibay ang panukala, ang Pebrero 25 o EDSA People Power Day ay oobserbahan kada taon bilang regular na holiday upang hindi na magkaroon ng kalituhan ang publiko.
Samantala, idinahilan naman ni Castro na apektado ang mga negosyante sa holidays, sabay sabing maaari namang gunitain ng mga tao ang EDSA People Power Revolution.
( Daris Jose)