Suporta ng national gov’t sa LGU, walang kulay pulitika- PBBM
- Published on February 25, 2026
- by @peoplesbalita
WALANG kulay politika ang ginagawang pagtulong pinansiyal ng gobyerno sa local government units (LGUs) sa bansa.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos sa kanyang Facebook post, anuman ang political affiliation ng kani- kanilang lider ay nakahanda ang gobyerno na tulungan ang mga ito.
Sa katunayan, halos P58-billion Local Government Support Fund (LGSF) ang dapat na paganahin ng mga lokal na lider para tugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang komunidad.
Sa post ng Pangulo, ibinahagi nito ang mga larawan ng local chief executives mula sa iba’t ibang political affiliations na nagsama-sama sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes para sa paglulunsad ng “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang” initiative, naglalayon na palawakin ang suporta ng national government para sa lahat ng LGUs sa pamamagitan ng LGSF.
May isang larawan ang nagpapakita nakangiti sa isa’t isa sina dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo at Pangulong Marcos kasama ang ibang Alkalde at provincial governors.
Ito ang ikatlong pagkakataon na nagkita sina Pangulong Marcos at Robredo matapos na talunin ng huli ang una sa vice presidency noong 2016, ang dalawang nagdaang pagpupulong ay nangyari kamakailan lamang.
Ang kanilang pangalawang pagkikita ay nangyari noong Pebrero 20, nang bisitahin ni Pangulong Marcos ang Naga City para inspeksyunin ang “Oplan Kontra Baha” project at personal na i-turn over ang special allotment release order (SARO) na P500 million kay Robredo para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum.
Sa nasabing paglulunsad ng Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang program, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga ahensiya ng pamahalaan na ipalabas na ang LGSF direkta sa LGUs, magagawa nito ang proseso ng “faster, clearer, and more transparent.”
“Our local leaders know their communities best. They see the problems first. They hear the people first. Now they have the resources to act,” ang sinabi ni Pangulong Marcos. (Daris Jose)