PARA SA MGA MARALITANG TAGA-MAYNILA, BINONDOMINIUM 2 NA PABAHAY, ITATAYO
- Published on February 25, 2026
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang groundbreaking ceremony para sa Binondominium 2 sa San Nicolas, bilang ika-anim na proyektong pabahay na itinatayo sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Itatayo ang bagong gusali sa isang 405-square-meter na lote na may kabuuang floor area na 6,277.5 square meters. Maglalaman ito ng 98 residential units na may sukat na tig-40 square meters bawat isa, na dinisenyo na may dalawang silid-tulugan, palikuran at paliguan, kusina, kainan, at sala.
Magkakaroon din ang gusali ng dalawang elevator, isang office space, daycare center, multi-purpose hall, roof deck, at iba pang pasilidad na tutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryong pamilya.
Binalikan ng alkalde ang kanyang kabataan sa Tondo at ang sunud-sunod na relokasyon na naranasan ng kanilang pamilya dahil sa kahirapan at demolisyon, na aniya’y naging personal na inspirasyon sa proyekto.
Ikinuwento rin niya kung paano sila napaalis sa tirahan nang hindi na makabayad ng upa.
“Ang mahirap sa pagiging iskwater, galing ka sa eskwelahan pag-uwi mo, hindi ka sigurado kung ’yung bahay mo nakatusok pa,” aniya.
Pinaalalahanan niya ang mga residente sa kanyang pangakong pabahay noong 2019, at sinabi na bagama’t naantala ng pandemya ang ilang plano, hindi nito napigilan ang pagtatayo ng unang gusali.
Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng pamumuhunan ng lungsod ng daan-daang milyong piso para sa pampublikong pabahay.
Binanggit niya ang pahayag ng dating Pangulong Ramon Magsaysay:
“Those who have less in life must have more in law.”
Hinimok ng alkalde ang mga magiging benepisyaryo na pangalagaan ang gusali kapag ito ay natapos na, at iginiit na ang maayos na pabahay ay dapat sabayan ng disiplina at pananagutan sa komunidad.
Tiniyak din niya na magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod sa pambansang pamahalaan para sa malalaking proyekto, kabilang ang pagpapatayo ng bagong gusali ng Allied Health Sciences ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at ang planong pagbili ng lupa para sa isang bagong ospital sa Tondo.
“Ang Maynila ay mananatiling mamumuhunan sa MBN: Minimum Basic Needs—housing, education, healthcare, and jobs,” aniya. “Ang gobyerno ay kayang pataasin ang antas ng pamumuhay ng kanyang mamamayan.” (Gene Adsuara)