Taas pasahe sa jeep, tinabla
- Published on February 23, 2026
- by @peoplesbalita
HINDI pa umano napapanahon ang hirit na taas-singil sa pamasahe ng mga operator at driver ng jeep, sa gitna na rin ng panibagong banta sa taas presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na umiiral pa ang pisong provisional increase at kaya pang saluhin ang galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo.
“Mukhang hindi pa napapanahon/premature dahil mayroon pong provisional fare increase sa halagang one peso at ayon sa kanilang computation, nako-cover pa po ang fuel cost para sa jeepneys,” pahayag ni Castro.
Giit pa ni Castro, na ang prayoridad ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay madagdagan ang singil sa pamasahe sa mga bus dahil wala silang temporary fare hike.
Sa kabila nito, patuloy aniyang pag-aaralan ng gobyerno kung ano ang maibibigay na tulong sa mga jeepney operators and drivers para mabawasan ang pasanin sa mahal na presyo ng petrolyo.
Sinabi naman ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza na tututukan nila ang kampanya laban sa mga colorum vehicles dahil ito ang isa sa mga hiling ng mga operator at driver dahil sa pagliit ng kanilang kita.