• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

City of Malabon University, nakatanggap ng bomb threat

KAAGAD nagpatupad ng mahigpit na panuntunan ang City of Malabon University makaraang makatanggap ng mensahe sa e-mail na may bomba sa naturang pamantasan, Huwebes ng tanghali.

Sa inilabas na kalatas ng pamunuan ng naturang pamantasan, nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ni Malabon City Police Station Chief P/Col. Allan Umipig at inalam kaagad ang sitwasyon habang nagdagdag at hinigpitan na rin nila ang seguridad sa buong campus.

Matapos ang masusing pagrerekisa at pagsisiyasat sa buong campus, walang nakumpirmang panganib bagama’t patuloy pa rin ang mahigpit na panuntunang ipinatupad sa mga pumapasok sa campus na masusing nirerekisa ang dalang gamit pati na ang pag-monitor sa mga sasakyan sa pasilidad.

Hindi naman nagsuspinde ng klase ang unibersidad bagama’t inabisuhan ng pamunuan ang miyembro ng kanilang pamayanan na maging kalmado, mapagmasid, at ipagkaloob ang kooperasyon sa mga pulis at security personnel.

Bagama’t hindi inilagay sa kalatas na inilabas ng pamunuan ang uri ng pananakot na kanilang natanggap, kinumpirma naman ni Malabon Station Community Affairs Section (SCAS) chief P/Capt. Eduardo Antalan, Jr. na bomb threat ang mensaheng natanggap ng pamunuan na ipinadala sa kanilang e-mail.

Sinabi naman ng pamunuan na sineseryoso nila at kinokondena ang lahat ng uri ng mensahe ng pananakot at karahasan kasabay ng pagtiyak na hahabulin ang mga ito hanggang sa lawak na maaabot ng batas. (Richard Mesa)