• February 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

CALOOCAN SDO, TUMANGGAP NG 10K BAGONG TABLETS, TECH EQUIPMENT MULA SA LGU

PORMAL na namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng humigit-kumulang 10,000 units ng mga bagong kagamitan sa computerization sa Schools Division Office (SDO) ng lungsod sa Caloocan Convention Center bilang bahagi ng patuloy na programa upang gawing digital ang proseso ng pag-aaral para sa mga guro at mag-aaral.

Kasama sa nasabing kagamitan ang kabuuang 8,983 tablets, humigit-kumulang 1,000 laptops, smart boards, at robotics equipment na inaasahang makatutulong sa paghahatid ng synchronous at asynchronous sessions.

Idineklara ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang panibagong pangako ng kanyang administrasyon na patuloy na mapabuti ang sistema ng edukasyon ng lungsod para sa kapakanan ng paaralan at ng mga stakeholder nito.

“Ang pangarap ko po ay magkaroon ng smart classroom ang bawat paaralan sa Caloocan at unti-until na nating tinutupad ang pangarap na ito. Wala naman pong imposible basta’t sinasamahan ng gawa at trabaho upang matupad ang mga pangarap,” pahayag ni Mayor Along.

“Tinitiyak ko sa inyo, sa ilalim ng aking termino, patuloy tayong mamumuhunan, at bibigyan natin ng halaga at suporta ang bawat mag-aaral at guro sa ating lungsod,” dagdag niya.

Pinaalalahanan din ng alkalde ang mga benepisyaryo na i-maximize ang paggamit ng nasabing kagamitan at tiniyak sa kanila na ang pamahalaang lungsod ay kasama nila sa bawat hakbang ng paraan.

“Ang mga bagong kagamitan na ito ay hagdan upang malinang pa ang inyong kakayahan at talento. Sana po ay maramdaman ninyo na kasama ninyo ako at ang buong pamahalaang lungsod sa inyong misyon na hubugin ang ating mga kabataan upang maging kapaki-pakinabang sa lipunan,” sabi ng alkalde. (Richard Mesa)