• February 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Halos P.1M marijuana, nasamsam sa Caloocan drug bust

UMAABOT sa halos P.1 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam sa ikinasang buy bust operation ng pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang drug suspect habang nakatakas naman ang kanilang target sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng marijuana ni alyas “King”, (HVI), ng Tagaytay St., Brgy. 131.
Nang magawang makipagtransaksyon kay ‘King’ ng isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police, kaagad ikinasa ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban sa kanya, sa koordinasyon sa PDEA.
Gayunman, nakatunog umano si ‘King’ na pulis ang kanyang katransaksyon kaya mabilis itong tumakas habang naaresto naman nina Lt. Mables ang kasabwat umano nitong si alyas “Atan, 25, dakong alas-1:22 ng madaling araw sa isang Vapeshop sa Tagaytay St., Brgy. 131.
Nakumpiska ng mga operatiba ang nasa 500 grams ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng P60,000, 25.25 grams ng high grade marijuana na nasa P37,875 ang halaga, buy bust money na isang tunay na P500 bill at limang P1,000 boodle money at identification ni ‘King’.
Ayon kay Lt. Mables, kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Gen. Dela Cruz ang arresting team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng iligal na droga. (Richard Mesa)