• February 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

METRO PACIFIC FRESH FARMS, BINISITA NI YORME ISKO

BUMISITA si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Miyerkules, Pebrero 18, sa Metro Pacific Fresh Farms (MPFF) sa San Rafael bilang bahagi ng kanyang adyenda na maipakilala ang makabagong teknolohiya sa urban farming sa kabisera ng bansa.
Sa isinagawang pagbisita, binigyan ng briefing ang alkalde ni Shahar Turgeman, Director ng MPFF, hinggil sa operasyon ng greenhouse facility at paggamit nito ng controlled-environment agriculture upang makapagprodyus ng mga gulay nang episyente at tuloy-tuloy.
Ang Metro Pacific Fresh Farms ay isang greenhouse complex na gumagamit ng controlled-environment agriculture upang magtanim ng mga gulay sa isang mahigpit na pinamamahalaang kapaligiran.
Ang pagbisita ay bahagi ng pagsusulong ng alkalde sa planong gawing urban farming areas ang mga bukas at hindi nagagamit na espasyo sa lungsod upang mapalakas ang lokal na suplay ng pagkain.
Sa mga nakaraang linggo, nakipagpulong ang alkalde sa mga opisyal ng Singapore Food Agency upang pag-aralan ang mga regulasyon sa food safety at mga sistema ng pamamahala ng suplay ng pagkain na maaaring iangkop sa mga lungsod na may mataas na densidad ng populasyon.
Nakipag-ugnayan din siya sa mga kinatawan mula sa Israel hinggil sa mga teknolohiyang pang-agrikultura, kabilang ang water-efficient systems at modernong pamamaraan ng pagtatanim na angkop sa limitadong espasyo.
Nakipagpulong din ang alkalde sa mga opisyal ng Department of Agriculture upang talakayin ang high-density urban gardening initiatives at posibleng teknikal na suporta para sa lungsod.
Kabilang din sa kanyang mga isinagawang hakbang ang pag-inspeksyon sa isang 23-ektaryang lupain sa Boystown Manila na ikinokonsidera para sa paggamit na pang-agrikultura, gayundin ang pagtanggap ng ₱463,343.62 halaga ng tool kits at training equipment mula sa Technical Education and Skills Development Authority para sa mga lokal na institusyon ng pagsasanay bilang bahagi ng mas malawak na paghahanda sa urban farming initiatives. (Gene Adsuara)