PBBM, pinag-aaralan pa rin ang ICI report — Malakanyang
- Published on February 19, 2026
- by @peoplesbalita
PINAG-AARALAN pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang report ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isinumite sa kanyang tanggapan.
”Inaaral pa po hanggang sa ngayon – medyo makapal po ang report na ibinigay. Pero most probably, maibibigay po kaagad namin kung ano ang mangyayari po; at kung magtutuluy-tuloy po ang ICI, ibibigay din po namin ang estado nila,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Ang report ayon kay Castro ay unang isinumite sa Office of the Executive Secretary (OES).
Binigyang diin sa report ang accomplishments ng independent body mula nang magsimula ang operasyon nito noong September 2025.
Nauna nang sinabi ng ICI na mula September 15, 2025 hanggang January 18, 2026, nagawa nitong isumite ang 9 na referrals sa Office of the Ombudsman, saklaw ang 65 indibiduwal.
Buwan ng Enero, sinabi ng Malakanyang na hinihintay pa ng Pangulo ang report, muling inulit ang pahayag ng Pangulo na ang kapalaran ng Komisyon ay dedesisyunan matapos ang pagsusumite nito.
Samantala, sinabi ng Pangulo na patapos na ang trabaho ng ICI na may tungkulin na imbestigahan ang flood control corruption is “coming towards the end.”
Iyon nga lamang, sinabi ng Pangulo na ang pamamalagi ng ICI ay nakadepende kung gaano pa ang naiwang trabaho nito.
(Daris Jose)