HUDYAT NG KUWARESMA, NAGSIMULA NA
- Published on February 19, 2026
- by @peoplesbalita
ISINAGAWA kahapon ang Ash Wednesday o 40 araw na paghahanda para sa pinakamahalagang gawain ng Simbahan Katoliko bilang hudyat sa pagsisimula ng Kuwaresma.
Naging mahigpit naman ang seguridad na pinatutupad ng Manila Police District (MPD) sa paligid ng mga simbahan partikular sa Minor Basilica of Jesus Nazareno o Quiapo church upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan ng mga deboto sa pagdalo ng banal na misa.
Tuloy-tuloy naman ang misa mula alas 5 ng madaling araw hanggang alas 7 ng gabi.
Pagkatapos ng Misa ay saka naman nagpapahid ng abo sa mga nakapilang deboto sa labas ng Simbahan .
Ito ay upang hindi maabala ang ibang dumadalo sa panibagong Misa.
Ilan lamang sa mga gawain sa pagsisimula ng Kuwaresma ang Pasyon, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesus, na nagsisimula sa Huwebes Santo, Biyernes Santo at nagtatapos sa Linggo ng Pagkabuhay.
Kaugnay nito, nanawagan sa mga Katoliko ang Simbahan na muling sariwain ang kanilang pananampalataya at maghanda para sa muling pagkabuhay ni Hesus sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at kawanggawa.( Gene Adsuara)