It’s official… VP Sara Duterte, tatakbong Pangulo ng Pilipinas sa 2028 elections
- Published on February 19, 2026
- by @peoplesbalita
INANUNSYO na ni Vice-President Sara Duterte ang kanyang planong pagtakbo sa pagka-Pangulo sa 2028 elections.
Sa isang press conference, sinabi ni VP Sara na kailangan nang ibalik ang tapang at malasakit para sa Diyos, sa bayan, at para sa bawat pamilyang pilipino.
Winika pa ni VP Sara na sa ngayon ay mapayapa niyang tinanggap ang kanyang buhay na hindi katulad ng iba.
“Sa unang mga buwan ng aming mga termino, nakita ko na ang kawalan ng katapatan ni BongBong Marcos Jr. sa mga pangakong binitawan noong kampanya, pati na sa kanyang sinumpaang tungkulin para sa bayan,” anito.
Sinabi pa niya na hindi niya kinaya na maging bahagi ng 2025 national budget na tadtad ng katiwalian. Mas pinili niya aniyang umalis sa gabinete kahit alam niya na noon pang 2023 na ang magiging kapalit ay ang kanyang impeachment.
Samantala, humihingi ng paumanhin si VP Sara sa mga mamamayang Filipino dahil tinulungan niya si Pangulong Marcos noong nakaraang halalan.
“Patawad kung tinulungan kong mahalal si BBM bilang Pangulo ng ating bansa. Patawad kung hanggang ngayon ay marami pa ring Pilipino ang nalulunod sa baha ng dahil sa malawakang korapsyon. Patawad kung lantaran ang pang-aabuso ng ating mga institusyon para pansariling interes ng mga politiko. Patawad kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin habang nananatiling kapos ang kita ng bawat pamilya. Patawad kung wala man lang tayong tunay na seguridad sa pagkain. Patawad kung may nagkakasakit at binabawian bigla ng buhay dahil sa kakulangan ng maayos at epektibong healthcare system,” litaniya ni VP Sara.
Binigyang diin naman ni VP Sara na hindi siya kailanman natakot sa pagsira nila sa kanyang pangalan.
Ngunit, may takot aniya siya para sa anak ng mga mamamayang Filipino.
“May takot ako para sa susunod na henerasyon. may takot ako para sa mga kababayan nating walang bahay sa ibang bansa — walang pangalawang pasaporte, walang ibang matatakbuhan kundi ang Pilipinas kahit ito’y patuloy na nalulugmok sa kahirapan,” anito. ( Daris Jose)