• February 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB PATULOY SA INSPECTION SA MGA BUS, PUV TERMINALS; 116 OPERATOR INISYUHAN NG SCO, NOTICE OF VIOLATION

PATULOY ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa malawakang kampanya laban sa mga bus at public utility vehicle (PUV) terminals na may sira at kulang na pasilidad.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, hanggang Pebrero 16 ay umabot na sa 243 bus at PUV terminals sa buong bansa ang na-inspeksyon upang tiyakin na ang mga terminal managers at operators ay sumusunod sa mga rekisito ng pamahalaan para sa maayos at komportableng serbisyo sa mga pasahero.

Mula sa kabuuang bilang, 116 terminals ang binigyan ng show cause order (SCO) at notice to comply dahil sa iba’t ibang paglabag gaya ng:

• kulang na pasilidad upang masilungan ang mga pasahero,
• sirang comfort rooms,
• masisikip na espasyo na nagdudulot ng panganib at discomfort,
• kakulangan sa seguridad, at
• hindi maayos na access para sa senior citizens at persons with disabilities.

“Hindi kami magdadalawang-isip na ipasara ang operasyon ng mga terminal managers, lalo na iyong konektado sa mga kumpanya ng transportasyon. Malinaw ang kasunduan: pinapayagan silang mag-operate ng terminal basta’t mayroong mga pangunahing pasilidad para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero,” ani Chairman Mendoza.

Dagdag pa niya, “May mga terminal pa nga na naniningil ng bayad sa paggamit ng CR. Ito ay isang maling kaisipan na para bang utang na loob pa ng mga pasahero ang operasyon ng terminal.”

Binigyang-diin ni Chairman Mendoza na tutugunan ng LTFRB ang maling pamamalakad ng ilang terminal managers at operators, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga Filipino commuters.

Patuloy din umano ang random at surprise inspections ng mga regional offices ng LTFRB upang masiguro ang pagsunod ng mga terminal sa itinakdang pamantayan.

Batay sa datos ng LTFRB, pinakamaraming terminal na na-inspeksyon ay nasa Metro Manila (40), sinundan ng Central Luzon at Northern Mindanao (30 bawat isa), at Calabarzon (27).

“Magpapatuloy ito dahil ang layunin ay gawing normal ang regular na inspeksyon. Obligasyon ng LTFRB na tiyakin ang maayos na serbisyo para sa mga pasahero, at kami ay susunod,” dagdag pa ni Chairpman Mendoza. (PAUL JOHN REYES)