CBCP: Pulitiko, mag-fasting sa ‘pangungurakot’
- Published on February 19, 2026
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga pulitiko na mag-fasting at mag-abstain sa ‘pangungurakot.’
Ang pahayag ay ginawa ni CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs executive secretary Fr. Jerome Secillano sa isang panayam kasunod na rin ng pormal nang pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ngayong araw.
“If you are a politician, you may want to fast from stealing, from acts of corruption,” ayon pa kay Secillano.
Kasabay nito, iginiit din ni Secillano na ang pag-aayuno at pangingilin ay dapat na sinserong isagawa at hindi pakitang-tao lamang ngayong panahon ng Kuwaresma.
Aniya, “It should not be for the sake of doing it or just for the show. It should have an internal effect such as conversion.”
Bukod naman sa pag-aayuno at pangingilin, nanawagan din ang pari sa mga mananampalataya na magkawanggawa.
Giit pa niya, ang mga naturang praktis ay dapat na isagawa sa lahat ng pagkakataon at hindi lamang sa panahon ng Kuwaresma.