Matapos na ‘di palarin bilang kongresista.. EJAY, ayaw isara ang pintuan sa muling pagtakbo sa 2028 election
- Published on February 19, 2026
- by @peoplesbalita
TUMAKBO nguni’t hindi pinalad si Ejay Falcon sa pagka-Kongresista sa Second District ng Oriental Mindoro sa 2025 elections matapos manilbihang Bise Gobernador sa nabanggit na lalawigan.
Inamin ni Ejay, iniyakan niya ang kanyang pagkabigo.
“Siyempre hindi naman maiiwasan iyon na iniyak mo siya. Napagod ka, hindi kasi… siyempre ibinigay mo naman din yung best mo di ba, nangampanya ka.
“And iyon nga lang, tapos na-realize mo, wala ka din namang pera nung eleksyon. Pero hindi naman ganun kalaki yung inilamang din nung katunggali ko.
“Pero after nung iyak na yun sabi ko, siguro, may purpose si Lord kung bakit nangyari, may purpose ang Panginoon kung bakit nangyari iyon.
“So hanggang dire-diretso na, biglang nag-SONA. “Nung SONA, pumutok na yung mga issues ng mga flood control, malalaking klaseng corruption.
“Sabi ko, ‘Ah okay, ngayon, alam ko na yung purpose, “God’s protection, blessing in disguise, and iyon nga, redirection.
“Ang dami nang pumasok sa [isip ko], ‘Siguro… kaya pala!’
Nakaupo siya bilang Bise Gobernador noong eleksyon, hindi bilang Gobernador ang itinakbo niya?
“Actually malalim pong… basta ano na lang po yan, sabihin na lang natin na nung time na yun iniisip ko kung saan ako mas may magagawa.
“Siyempre para tumakbo tayo diyan may nakikita tayo na ito yung mas magagawa mo.
“Kasi nakita mo yung isang district na parang ang daming gusto mong i-improve.
“Well very thankful naman ako sa mga nagawa nila dun sa distrito na nilabanan ko pero siyempre as a batang public servant.
“And ina-idolize ko din sila [Pasig City] Mayor Vico Sotto, na nakikita ko yung ginagawa nila so gusto ko ring magkaroon ako ng… siguro sabihin na lang natin na mas may kakayahan, mas may kakayahan ako dun sa posisyon na iyon para magawa yung mga bagay na gusto kong gawin.
“Ma-implement ng tama yung mga gusto kong dapat i-implement. Di ba parang, ako yun e, ako magdedesisyon.
“So nakita ko naman na parang dapat, ‘Sana dito nilagay, dapat dito nilagay.’
“Lalo yung mga kabataan, yung sektor ng kabataan, education. Mahal na mahal ko iyan.
“Kasi diyan ako galing, e. Nag-aral ako ng wala akong pera, pinag-aral ako, so everytime nakakakita ako ng ganyan, parang gusto ko talagang pagtuunan ng pansin.
“Iyon nga, yung youth empowerment.
“Kasi sa province namin, talagang very relatable yung tao sa akin kasi may mga kabataan na may kanya-kanyang galing at talento.
“Ako, sino ang mag-e-expect o mag-aakala na from doon sa baryo na walang signal ng cellphone, walang kuryente, nagbabangka kami, magiging PBB Big Winner, magiging artista, naging Vice-Governor.
“Yung nangyari sa akin, gusto kong tulungan sila, siguro kung hindi man pagiging artista, yung makapag-aral lang.
“Makapag-aral sa napakagandang school na may sports complex dun sa distrito na yun.
“Mabigyan ang bawat bayan ng mga community college, ganun. So marami akong gustong gawin.”
Tatakbo ba siyang muli sa eleksyon sa 2028?
“Ayokong isara ang pintuan kasi iyan naman ay sabi ko nga, nung tumakbo akong Vice-Governor wala naman sa plano iyan, e.
“Minsan kasi sa buhay natin kapag may kumatok na parang may binubuksang pintuan at kailangan kang pumasok sa pintuan na iyon at mas marami kang matutulugan, doon ka pupunta.
“Kasi ako sabi ko nga, yung buhay ko okay naman din na ako, e. I mean galing din ako sa wala. Kumbaga nakakapagtrabaho ako sa showbiz, okay naman na yung buhay namin, ng pamilya ko, pero gusto mo kasing makatulong.
“Iyon nga lang, siguro ang kaibahan ko lang, bata ako, mas aggressive ako, nag-aral na din naman ako ng Bachelor of Political Science Major in Local Governance sa University of Makati, natapos ko na iyon habang Vice Governor ako.
“So siguro iyon ang kaibahan mas aggressive ako, mas nakakakita ako ng mga tamang programa na puwedeng ibigay dun sa aking mga kababayan kung ano yung mga pangangailangan nila.”
Samantala, nagbabalik-pelikula si Ejay sa “Kappa-tiran,” sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan at produced ng Marcos Production ni Nunungan Lanao del Norte Vice Mayor Marcos Mamay na isa rin sa mga cast members ng pelikula kung saan lead actress si Sheryl Cruz.
(ROMMEL GONZALES)