• February 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

FOREIGN NATIONAL TIMBOG SA NAIA TERMINAL 3, MAHIGIT ₱55-M HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA

MATAGUMPAY ang isinagawang magkasanib na interdiction operation sa Customs Exclusion Room, International Arrival Area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong Pebrero 13, 2026, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang dayuhan at pagkakakumpiska ng mahigit walong kilo ng pinaghihinalaang shabu na nakatago sa loob ng mga libro.

Ang operasyon ay isinagawa bandang alas-2:00 ng hapon, ay pinangunahan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, kasama ang aktibong partisipasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office NCR, Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force, Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, Philippine National Police Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.

Naaresto ang isang 77-taong-gulang na Aleman na kinilala sa alyas na “Peter,” isang pasaherong mula sa Johannesburg, South Africa, na may connecting flight patungong Hong Kong.

Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat ang isang itim na backpack na CAMEL MOUNTAIN na naglalaman ng dalawang aklat na may markang “Holy Bible.” Nang inspeksyunin ng mga awtoridad, natuklasan nila ang siyam na improvised plastic pouch na nakabalot sa packaging tape at carbon plastic na nakatago sa loob ng mga libro. Ang mga pouch ay naglalaman ng humigit-kumulang 8,145 gramo ng puting kristal na substansiya na pinaghihinalaang Methamphetamine Hydrochloride, na mas kilala sa tawag na shabu.

Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱55,386,000.00.

Narekober din ang mga dokumento sa paglalakbay, boarding pass, international driving permit, mga bank card, isang cellular phone, isang Samsonite luggage bag na naglalaman ng mga personal na gamit, at perang US dollar.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang mga nakumpiskang ebidensyang droga ay isusumite sa PDEA Laboratory Service para sa laboratory examination, at ang suspek ay sasailalim sa inquest proceedings. (PAUL JOHN REYES)