LIDER AT MGA KASAPI NG IBA’T IBANG SAMAHAN, KINOKONDENA ANG MAPANGHIMASOK NA PAHAYAG NG CHINESE EMBASSY
- Published on February 14, 2026
- by @peoplesbalita
NAGKAKAISANG tumindig ngayon araw ng Biyernes, Pebrero 13, 2026, sa harap ng China Embassy, Makati City, ang mga lider at kasapi ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement – ALAB ng BAYAN at mga makabayang samahan upang mariing kondenahin ang patuloy na pambabastos, paninisi at agresyon ng China laban sa Pilipinas – sa aming mga opisyal, Navy at Coast Guard at sa aming mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Ang layunin ng rally ay upang ipahayag ang pagkondena sa pahayag ng China na humahamak sa ating mga opisyal, kabilang ang mga opisyal ng Municipality of Kalayaan at sa patuloy na agresyon sa West Philippine Sea.
Ipinahahayag din ang tagumpay ng mamamayan sa pamamagitan ng Adopted Senate Resolution Blg. 37 na malinaw na kumokondena sa pambabastos at pananakot ng ibang bansa at nagpapatibay ng paninindigan ng Pilipinas sa soberanya. Ipinahahayag din ang panawagan para sa responsableng diplomasya at paggalang sa batas internasyonal, kabilang ang UNCLOS at Arbitral Award at hindi pananakot o paninisi sa ating mga opisyal.
Ang aming sama-samang pagkilos ngayon, kabilang ang die-in, pagpapakalbo bilang simbolo ng paninindigan, noise barrage at simbolong pagwasak sa mga karikatura bilang pagtuligsa sa agresyon ay simbolikong ipinapakita na handa kaming ipaglaban at ipagtanggol ang aming karapatan sa West Philippine Sea at soberanya ng bansa at simbolikong ipinapakita ang pagtutol at paglalantad sa mga ideya at naratibo na pumapabor sa agresyon ng China. Ang mga ito ay nagpapakita na ang mamamayang Pilipino ay hindi mananahimik sa harap ng panghihimasok at patuloy na pananakot. (PAUL JOHN REYES)