PEOPLE TO WATCH 2026’: VICE MAYOR CHI ATIENZA, PINARANGALAN DAHIL SA INKLUSIBONG PAMUMUNO
- Published on February 13, 2026
- by @peoplesbalita
PINARANGALAN si Manila Vice Mayor Chi Atienza bilang isa sa mga “People to Watch 2026” ng Rising Tigers Magazine bilang pagkilala sa kaniyang inklusibong pamumuno na nagsusulong sa kapakanan ng bawat Manileño.
Iginawad ang parangal sa isang seremonya na ginanap sa Presidential Suite ng The Manila Hotel noong Martes, Pebrero 10, kung saan kinilala ang mga lider mula sa pamahalaan at sektor ng negosyo na itinuturing na mga “Nation Builders” dahil sa kanilang dedikasyon sa kani-kanilang larangan.
Bilang Presiding Officer ng ika-13 Konseho ng Lungsod, inilaan ni Atienza ang kaniyang panunungkulan sa pagsusulong ng kapakanan ng mga pinaka-nangangailangan—kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga manggagawa. Tiniyak din niya na may matibay na representasyon ang Muslim communities, LGBTQIA+ sector, at mga animal welfare advocates sa lungsod.
Binigyang-diin din ng Rising Tigers Magazine ang kanyang pagsisikap na maisalin ang mga adbokasiyang ito sa mga konkretong polisiya, kasabay ng paniniwala na tunay na uunlad ang isang lungsod kung nagkakaisa ang mga lider at napoprotektahan, narerepresenta, at napakikinggan ang mamamayan.
Sa kanyang acceptance statement, sinabi ng bise alkalde na ang parangal ay paalala ng kaniyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
“This award reminds me of my responsibility as a public servant to open my ears and my heart to the constituents who put me here,” ani Atienza.
Ginamit din niya ang pagkakataon upang bigyang-diin ang kaniyang papel sa kasalukuyang administrasyon, na nagsisilbing inspirasyon upang higit pang maging suportado at aktibo bilang katuwang ni Mayor Isko Moreno Domagoso.
“It is also a reminder of my role as the vice mayor to a Mayor who strives to make a mark; to be more supportive and more proactive in crafting laws to make the lives of our constituents better,” dagdag niya.
Bilang presiding officer, nangako si Atienza na patuloy niyang isusulong ang representasyon ng bawat sektor—lalo na ang mga nasa laylayan—upang matiyak na sila ay naririnig at nabibigyan ng boses sa pamahalaang lungsod (Gene Adsuara)