Mahigit P63-B nakalaan para sa proyektong irigasyon sa buong bansa- PBBM
- Published on February 13, 2026
- by @peoplesbalita
PATULOY na iaangat ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buhay ng mga magsasaka.
Patunay dito ang inilaan ngayong taon ng Pangulo na mahigit P63 bilyon para sa mga proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) na naglalayong palawakin ang imprastrakturang pang-agrikultura at magbigay ng modernong kagamitan sa mga magsasaka.
“Makaaasa po kayong patuloy ang Administrasyon sa pagbibigay sa ating mga magsasaka nang mas mabilis na access sa teknolohiya, pagsasanay, at suporta upang umangat at guminhawa ang inyong buhay,” ani Pangulong Marcos sa inagurasyon ng Mahayag Dam at turnover ng solar-powered pump irrigation projects sa Zamboanga del Sur, araw ng Huwebes.
Ayon sa Pangulo, halos P300 bilyon ang kabuuang pondo para sa mga programa at proyekto sa sektor ng agrikultura ngayong taon.
“Ibig sabihin ay mas maraming imprastraktura at modernong makinarya para sa ating mga masisipag na magsasaka na inaasahan hindi lamang ng Zamboanga Peninsula kung hindi ng buong Pilipinas para sa ating tinatawag na food supply,” wika ng Pangulo.
Mula sa badyet ng DA, mahigit P33 bilyon ang para sa farm-to-market roads sa 2026, kabilang ang P370 milyon para sa Zamboanga del Sur.
Halos P731 milyon naman ang inilaan para sa Small Scale Irrigation Projects, ayon sa Pangulo.
Prayoridad aniya ang mga pangunahing lalawigan sa produksyon ng bigas, mais, at high-value crops, at mga lugar kung saan maraming magsasaka ang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
“Higit sa lahat, tinututukan natin ang mga rehiyon kung saan marami sa mga magsasaka ang higit na nangangailangan,” ani Pangulong Marcos.
Hinimok din ng Pangulo ang mga magsasaka na sulitin ang tulong ng pamahalaan.
“Sulitin ninyo po ang pagkakataong ito upang mapagaan ang inyong trabaho. Gamitin ninyo ang mga bagong makinarya, teknolohiya, at kaalaman upang mapataas ang inyong kita at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang inyong sarili at ang inyong pamilya,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi pa ng Chief Executive na sana’y magsilbing inspirasyon ang mga magsasaka sa mga kabataang nangangarap paunlarin ang agrikultura at maglingkod din sa bayan.
“Dahil sa Bagong Pilipinas, ang bawat magsasaka ay makakatanggap ng angkop na suporta tungo sa masaganang ani, matatag na kabuhayan, at maunlad na kinabukasan,” wika ng Pangulo.
(Daris Jose)