• February 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mahigit 200 pamilya, nasunugan sa Caloocan, Malabon

DALAWANG magkasunod na sunog ang sumiklab sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan, at Malabon Cities na naging dahilan upang mawalan ng tirahan ang mahigit 200 pamilya.

SA ulat, alas-11:27 ng Miyerkules ng umaga nang sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa C4 Barangay Tañong, Malabon City na mabilis na kumalat ang apoy kaya kaagad itong itinaas sa ikatlong alarma.

Idineklarang fireout ang sunog dakong 1:17 ng hapon kung saan isang babae ang napaulat na sugatan habang inaalam pa ang naging sanhi nito at kung magkaano ang halaga ng ari-arian ang natupok.

Kaagad namang nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, kasama ang mga kawani ng City Social Welfare and Development, City Health Office at Malabon DRRMO na personal na kinamusta ang nasa 200 pamilyang naapektuhan ng sunog.

Naglagay din ng mga modular tents sa Covered Court ng Barangay Tañong, nagpaabot na din ng mga hotmeals para sa kanila, mga non food items KKB – Kumot Kulambo Banig at paglalagay ng Water Purification system bilang inisyal na tulong ng lokal na pamahalaan.

Namahagi rin si Mayor Sandoval ng food packs at hygiene kits sa mga apektadong pamilya, katuwang ang Philippine Red Cross na nagbigay din ng mga hot meals.

Sa Caloocan, nasa 30 kabahayan naman at tatlong gusaling pang-komersiyo ang tinupok ng apoy sa naganap na sunog sa kanto ng Baltazar St. at C3 Road, Brgy., 49 na sumiklab alas-5:26 ng umaga sa bahay na pagmamay-ari ng isang alyas “Felipe” na umabot sa unang alarma at idineklarang kontrolado alas-6:48 ng umaga.

Dinala naman sa barangay si alyas Felipe matapos inguso ng kanyang isang tauhan na nagsindi umano ng kandila na posibleng pinagmulan ng sunog habang wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa insidente at inaalam pa kung magkano ang halaga ng natupok na ar-arian. (Richard Mesa)