• February 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Connection ni convicted sex offender Jeffrey Epstein sa Pilipinas, pinaiimbestigahan

NANAWAGAN ang Gabriela women’s party list at mga miyembro ng Makabayan Bloc ng House of Representatives na imbestigahan ang mga napaulat na connection ni convicted sex offender Jeffrey Epstein sa Pilipinas.
Pinangunahan ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang mga mambabatas ng Makabayan Bloc sa pagpasa ng House Resolution 762 upang imbestigahan ang mga napaulat na operasyon ni Epstein sa bansa at mga Pilipino na maaaring sangkot dito.
Partikular na tinukoy ni Elago ang mga Filipino experts sa backend digital work at digital reputation management at online operations para ma-improve ang online image ni Epstein matapos mahatulan ng sex trafficking.
“Bilang mga mambabatas, kailangan natin siguraduhin na ang ating mga batas at inter-agency coordination ay nakasasapat upang proteksyunan ang mga kababaihan at mga bata mula sa iba’t ibang porma ng pang-aabuso, online man o offline,” sabi ni Elago.
“Sa puntong ito, kailangan ng maagap at masinsin na imbestigasyon upang paunlarin ang ating mga batas lalo’t ang Pilipinas ay nananatiling ‘global hotspot ng online sexual abuse and exploitation of children’.”
(Vina de Guzman)