Dahilan ni VP Sara sa hindi muna nito pakikipag-usap sa mga kaalyado sa Senado, pinalagan ng Malakanyang
- Published on February 13, 2026
- by @peoplesbalita
“JUST tell it to the Marines.”
Ito ang tugon ng Malakanyang sa sinabi ni Vice-President Sara Duterte na hindi na muna siya nakikipag-usap sa mga kaalyado niya sa Senado upang mailigtas ang mga ito sa harassment ng kasalukuyang administrasyon.
‘That Is another story-telling a lie,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Tandaan po natin, hindi natin malaman kung saan ba nanggagaling ang kanilang mga talent sa pag-i-spread ng mga fake news. Nauna na pong nagpakalat ng fake news ang Bise Presidente patungkol sa diumano’y pagkaing baboy lamang ang bente pesos na bigas na ipapamigay, or rather, ibibigay at ibibenta sa mas murang halaga ng Pangulo through KADIWA centers,” anito.
“Nandiyan din po iyong fake police blotter, altered police blotter mula sa Beverly Hills. Nandiyan din po iyong mga fake videos – hindi isa, kung hindi dalawa – laban sa Pangulo at sa ating Unang Ginang. Lahat ng iyan ay fake,” aniya pa rin sabay tanong na “So, sino ba talaga ang may kakayanan na gumawa ng karahasan? Sino ba ang nagbabanta ng buhay?.”
Sa ulat, bukod sa mga senador, sinabi ni VP Sara na ginagawa rin niya ito sa iba pang indibidwal.
Samantala, nilinaw na rin ni VP Sara na wala siyang kinalaman sa pagkakaroon ng umano’y term-sharing sa pamunuan ng Senado. ( Daris Jose)