• February 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

49 pares, ikinasal sa Kasalang Bayan 2026 sa Navotas

IPINAGDIWANG ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pag-ibig at pangako sa Araw ng mga Puso kung saan opisyal na nagpalitan ng panata ang 49 Navoteño couples sa ginanap na Kasalang Bayan 2026.

Pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco ang isang mass wedding ceremony, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at mga konsihal na sinaksihan ng pamilya ng mga ikinasal.

Kabilang sa mga ikinasal ay sina Ereneo Belino Jr. at Helen Corocoto na 38 taon nang nagsasama at nabiyayaan ng tatlong anak.

Binati ni Mayor Tiangco ang mga mag-asawa at binigyang-diin ang kahalagahan ng kasal sa pagbuo ng isang matatag na pamilya at komunidad.

“Sana ay mapuno lagi ng pagmamahalan at pag-uunawaan ang tahanan ng bawat isa sa inyo. Kung may hindi mapagkasunduan ay pag-usapan. Alagaan at irespeto ninyo ang isa’t isa. At higit sa lahat, piliin ninyo ang isa’t isa araw-araw,” pahayag ng alkalde.

Hinikayat din niya ang mga mag-asawa na magkaroon ng mga foster home na puno ng pagmamahalan at mabuting pagpapahalaga, na binibigyang-diin na ang pagpapalaki ng mga responsableng anak ay nagsisiguro ng magandang kinabukasan para sa Navotas.

Ang Kasalang Bayan ay sumasalamin sa pangako ng lungsod sa pagpapalakas ng mga pamilya at pagtataguyod ng kapakanan ng mga residente nito, na nagbibigay sa mga mag-asawa ng pagkakataong idaos ang kanilang pagsasama sa isang makabuluhan at di malilimutang seremonya.
(Richard Mesa)