LTFRB NAGBABALA SA MGA APLIKANTE NG PRANGKISA NA HUWAG BIBYAHE HANGGA’T HINDI PA APRUBADO
- Published on February 12, 2026
- by @peoplesbalita
NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), sa mga aplikante ng prangkisa para sa public utility vehicle (PUV) na huwag gamitin ang kanilang sasakyan sa pampublikong transportasyon hangga’t hindi pa aprubado at nailalabas ang kinakailangang dokumento.
Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang babala matapos maglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa isang aplikante na namamasada kahit hindi pa aprubado ang aplikasyon.
“Hindi porke nakapagsumite na kayo ng mga dokumento para sa Certificate of Public Conveyance (CPC) ay maaari na ninyong gamitin ang sasakyan sa pampublikong transportasyon. Karaniwang kaalaman na dapat munang hintayin ang pag-apruba at paglalabas ng mga kinakailangang permit,” ani Chairperson Mendoza.
Sa kaso ng isang aplikante para sa rutang Imus–Alabang–Imus, namonitor na ang sasakyan ay pumipick-up na ng mga pasahero.
Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na binago ng aplikante ang isang delivery van upang gawing PUV, na ayon sa LTFRB ay labag sa batas.
Sa inilabas na SCO, inatasan ang aplikante na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang aplikasyon, at dumalo sa unang pagdinig ng kaso sa Pebrero 18.
Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza na ang mabilis na aksyon ng LTFRB ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada para sa pagpapabuti ng sistemang pampublikong transportasyon sa bansa.
“Nauunawaan namin ang pangangailangan ng ating mga kababayan na kumita, ngunit hindi ito dapat gawin kapalit ng paglabag sa batas at pagsuway sa mga regulasyong itinakda para sa pampublikong transportasyon,” ani Mendoza.“Ang paggamit ng sasakyan bilang pampublikong transportasyon kahit nakabinbin pa ang aplikasyon para sa CPC ay maituturing na colorum. Ang pagbabago ng sasakyan upang gawing PUV ay ilegal. Maliwanag po iyan,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)