• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, pinayuhan ang publiko na huwag maniwala sa tsismis na may colon cancer si PBBM

TILA pinayuhan ng Malakanyang ang publiko na huwag maniwala sa mga rumors, mga tsismis na may colon cancer si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang mga walang katotohanan na isyu na nakakapanira sa gobyerno, sa Pangulo at nakaaapekto sa ekonomiya lalo pa’t kung manggagaling kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na isang isang fake news peddler ay hindi dapat paniwalaan.
‘Ayon na nga po ang masama kasi mga rumors, mga tsismis, walang katotohanan na nakakapanira sa gobyerno, nakakapanira sa Pangulo na nakakaapekto sa ekonomiya. Kung manggagaling lamang po din kay Harry Roque na masasabi na nating isang fake news peddler,” ayon kay Castro.
“Nakita naman po natin ang video, iyong kabuuan kung saan itinaas pa po mismo ng Pangulo ang kanyang mga kamay habang siya’y kumakaway sa ating mga kababayan at kitang-kita po na ang sinasabing larawan or ipinakitang larawan ni Harry Roque ay pawang kasinungalingan lamang,” dagdag na pahayag ni Castro sabay panawagan sa publiko na “Huwag na po tayong maniwala…”

Matatandaang, nauna nang binanatan ng Malakanyang si Roque dahil sa social media post nito na tila naka-colostomy bag si Pangulong Marcos.
Giit ni Castro na walang katotohanan ang paratang ni Roque na may colostomy bag ang Pangulo, at tinawag niya itong chismis na layong siraan ang Pangulo at ang administrasyon.
Ani Castro, sa halip na magpakalat ng imbentong isyu, mas dapat harapin ni Roque ang mga kasong tinakasan nito sa bansa.
Aniya, wala nang ibang inaatupag si Roque kundi ang magbantay at manghimasok sa kalusugan ng Pangulo.
Kung pinanood lamang aniya ni Roque ang mismong aktibidad na dinaluhan ng Presidente, malinaw na makikitang walang anumang nakakabit sa tiyan nito.
( Daris Jose)