Pinas, hindi mananahimik, mananatili sa legal na paraan sa pinagtatalunang WPS- Malakanyang
- Published on February 12, 2026
- by @peoplesbalita
HINDI natatakot ang Pilipinas sa Tsina sa gitna ng mga hakbang ng huli na tila paghihiganti laban sa mga lokal na opisyal at kritisismo ng Senado.
Ito’y sa kabila ng ipinagpapatuloy ng gobyerno ang paggamit ng ‘firm at diplomatic approach’ sa pagharap sa mga usapin ukol sa pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS).
Ang pahayag na ito ay kasunod ng ginawang pagpapalabas ng listahan ng Chinese Embassy ng mga opisyal mula munisipalidad ng Kalayaan, Palawan, kung saan pinagbawalan nila ang mga itong pumasok o idineklarang “not welcome” sa bansang China.
Pangalan ng mga opisyal na pinagbawalan nang makapasok sa China:
1. Beltzasar S. Alindogan
2. Maurice Phillip Alexis S. Albayda
3. Nonelon B. Balbontin
4. Nonie C. Gapuz
5. Roberto M. Asiado
6. Hubert B. Llavan
7. Francis P. Polizon
8. Marilou S. Vales
9. Monico A. Abogado
10. Eugenio B. Bito-onon
11. Hermoso A. Ornopia
12. Tracylie Shierjun R. Malabayabas
13. Arzel E. Belidan
14. Vicencio R. Milan
15. Allan D. Dellosa
16. Mary Cristina J. Lagrosa
Bago ito, matatandaang nauna nang magpasa ng resolusyon ang lokal na munisipalidad ng Kalayaan, Palawan tungkol sa pagdedeklarang “persona non grata” sa kanilang lugar si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan noong Enero 27, 2026.
Ayon naman sa opisyal na pahayag na isinapubliko ng Chinese Embassy sa kanilang Facebook page noong Martes, Pebrero 10, 2026, sinabi nilang dalawang beses nagdedeklara ang mga opisyal ng naturang munisipalidad ng persona non grata sa mga Chinese Ambassador.
Kaugnay din ito ng naging deklarasyon ng mga opisyal sa nasabing siyudad ng persona non grata sa dating Chinese Ambassador na si Huang Xilian noong Agosto 2023, matapos magkaroon ng kasong pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa Philippine Coast Guard (PCG) sa may Ayungin Shoal.
Sinabi ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling matatag ang administrasyon sa posisyon nito sa pinagtatalunang katubigan at hindi nito tatapatan ang palaban na agresibong aksyon ng Tsina.
“Kung sila man ay palaban, mayroon naman po tayong paraan na legal, diplomatic na puwedeng makapag-ayos ng anumang isyu,” ani Castro.
Idinagdag pa ni Castro na ginagalang ng administrasyong Marcos ang freedom of expression ng Tsina at pahihintulutan ang mga institusyon ng Pilipinas kabilang na ang Senado na “to exercise their functions independently.”
Ani Castro, ang anumang specifics kaugnay sa travel restrictions na ipinatutupad ng Tsina at iba pang polisiya ay coordinated sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA). (Daris Jose)