• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagtanggal ng travel tax isinama sa LEDAC priority list

MATAGUMPAY na naisama ng Kamara ang panukalang pagtatanggal ng travel tax sa listahan ng mga priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Miyerkoles.

Ayon kay Dy, tinanggap ng LEDAC council na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na isama ang travel tax abolition sa listahan ng mga priority measures ng administrasyon. Si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Alexander “Sandro” Marcos, anak ng Pangulo, ang may akda ng nasabing panukala bilang House Bill No. 7443 na ibayong tanggalin ang pagbabayad ng travel tax sa mga outbound Filipino travelers.

Samantala, umabot na sa 52 mula sa 48 ang bilang ng mga priority legislation na babalangkasin sa LEDAC, ayon pa kay Dy.
Ang HB No. 7443 ay kabilang sa apat na naidagdag na panukala sa listahan ng LEDAC. Kabilang dito ang mga hakbang laban sa online sexual abuse and child sexual abuse or exploitation materials (OSAEC/CSAEM), anti-fake news and digital disinformation, at resetting ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections.

“Before ending, Mr. President, we also urge the inclusion of the Abolition of the Travel Tax among the LEDAC priority measures as it is a practical, equitable, and progressive reform that encourages tourism and supports our regional integration efforts,” pahayag ni Dy kay Pangulong Marcos sa naganap na LEDAC meeting.

“It is, in our view, a crucial step toward a more competitive and open Philippines,” dagdag ni Speaker.

(Vina de Guzman)