Prayoridad na anti-fake news bill dapat na protektahan ang kalayaan sa pagsasalita
- Published on February 11, 2026
- by @peoplesbalita
SINABI ng Malakanyang na suportado ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang anti-fake news measure kung ibabalanse nito ang regulasyon na may proteksyon at hindi masasagasaan ang freedom of expression.
Binigyang diin na ang hindi pagsang-ayon at critical views ay hindi dapat na sugpuin.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na binanggit ng Pangulo ang isyu sa isinagawa kamakailan lamang na Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting, kung saan ang panukalang bill laban sa fake news at digital disinformation ay kasama sa 21 priority measures na target na ipasa sa Hunyo.
“Ang sabi lamang po ng Pangulo… ay dapat pong balansehin… dahil baka po masagasaan iyong freedom of expression. Dapat mai-define mabuti kung ano po iyong sinasabi nating fake news at disinformation,” aniya pa rin.
At nang tanungin kung maaari bang gamitin ang panukalang measure para lansagin ang kontra at critical views laban sa pamahalaan, nagbigay ng pagtiyak si Castro na “Hindi po hahayaan ng Pangulo na masagasaan ang anumang freedom of expression/freedom of speech ng ating mga kababayan.”
Maliban mula sa anti-fake news proposal, prayoridad ni Pangulong Marcos ang pagsabatas ng travel tax abolition, online child protection, Bangsamoro elections, at political dynasty reform.
Ukol naman sa panukalang anti-political dynasty bill, winika ni Castro na hindi pa nai-endorso ng Pangulo ang specific provisions, habang ang Kongreso ay nagasasagawa pa rin ng public consultations.
Sinabi nito na kailangan pang i- assess ni Pangulong Marcos kung anong bersyon ang susuportahan sa oras na isapinal na ng mga mambabatas ang nasabing panukala.
(Daris Jose)